Deretsahan
ni Horacio Paredes
Mahiwaga ang pagkawala ng replicating machine at mga bagay na gamit sa ilegal na paggawa ng mga pekeng CD at DVD — isang pangyayaring di mapaliwanag ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG). Ang makinarya at gamit na tinatantiyang nagkakahalaga ng higit P100 milyon ay nakumpiska nang magsigawa ng raid noong Abril 3, 2009 ang mga taga PASG at Optical Media Board (OMB) sa isang bahay sa San Francisco del Monte sa Quezon City.
Natiklo sa raid ang isang taga-Malaysia at dalawa niyang empleyadong Pinoy sa mismong akto na kumokopiya ng optical media. Matapos ang raid, agad hiniling ng OMB na ilagay sa kanilang kustodya ang mga nakumpiskang gamit, subalit hindi pumayag ang PASG dahil sila naman daw ang nag-apply at binigyan ng Search Warrant para maisagawang legal ang raid at may kaso rin ang PASG dahil sa pinuslit lamang ang makina sa pamamagitan ng smuggling. Nguni, ayon sa batas, dahil optical media material ang pinuntirya ng raiding team, sa OMB dapat mapunta ang mga gamit na nakumpiska at nang ito’y magamit builang ebidensiya pagsampa ng kinaukulang kaso laban sa tatlo.
Nagmatigas ang PASG at hindi pumayag sa hiling ng OMB. Gayun pa man, kumilos na ang mga bata ni OMB Chairman Edu Manzano at kinasuhan na ang tatlong suspek. Matapos nito, nag-file din sila ng kasong administratibo laban sa tatlo sa Branch 223 ng Regional Trial Court ng Quezon City. Tinakda ang arraignment noong ika-29 ng Hunyo.
Ngunit, sa kabilang panig, walang kinilos ang PASG sa pagsampa ng anumang kaso laban sa mga na-aresto, pero tahasang nagmatigas sila na ang mga nakumpiskang bagay ay dapat manatili sa kanilang pagbabantay doon sa bahay na ni-raid at kanilang pinadlock. Kaya’t napilitan ang OMB na tumungo sa korte upang hilingin na ilipat na sa kanilang kustodya ang makinarya’t mga gamit. Pumayag ang korte noong Hunyo 22, 2009 sa hiling ng OMB.
Laking gulat ng mga ahente ng OMB nang sila’y magpunta sa bahay sa San Francisco del Monte at natuklasang wala na doon ang mga nakumpiskang bagay! Sa isang dingding, isang butas na mas malaki pa sa pinto ang kanilang nakita. Halatang dito pinuslit ang mga nawawalang bagay. Samantala, yung tatlong na-aresto ay nalibre din sa dahilang sa hearing, hindi sumipot ang kinatawan ng PASG, si Police Officer Gilbert Abarro!
Ano ba itong mala-magic na pakulo ng mga tao ng PASG? Dapat ay pa-imbestigahan ito nang masinsinan ni Undersecretary Antonio Villar na hepe ng naturang ahensiya na balita’y malakas at malapit raw kay Pangulong Arroyo. Masyadong marami nang report ng kababalaghang ginagawa ang mga bata niya. Talaga kayang ang mga ito’y lingid sa kanyang kaalaman? Hindi kaya dapat na ang hepe na ng PASG ang ma-imbistigahan?
# # # #
hvp (07.06.09)

Post a Comment