Deretsahan
ni Horacio Paredes
Parang mali yata ang gawain ng karamihan sa ating mga botante na sa pagpili nang kung sino ang kanilang iboboto’y ang una nilang tinatanong ay kung mayroon bang pag-asang manalo ang isang kandidato. Bakit kinakailangangang mananalo ang kandidato? Bakit hindi natin piliin kung sino ang inaakala nating nararapat na mamuno sa bansa o sa lungsod kung saan tayo residente at botante.
Kamakailan, mayroong guest speaker sa aking Rotary Club – ang RC ng Pasig. Bago magsimula ang aming panauhin sa kaniyang pananalita, nag-survey siya sa amin. Maraming iba’t ibang tinatanong ngunit ang mahalaga’y nasa kahulihang dalawang katanungan: Sino ang inaakala mong dapat na maging pangulo ng Pilipinas? At sino sa mga kumakandidato ang inaakala mong mananalo?
Magkaiba ang dalawang tanong
Ang naging sagot ng aking Rotary Club ay ganito: Sa katanungan kung sino ang inaakalalng magiging magaling na Pangulo, ang naging sagot ng karamihan ay “Bayani Fernando.” Sa tanong naman sa kung sino ang inaakalang mananalo, ang sagot ng karamihan ay “Manny Villar.”
Bakit ganito ang kasagutan sa mga tanong niya? Bakit parang alam na namin na hindi naman si Manny Villar ang aming gustong mamuno sa bansa, ngunit tanggap pa rin namin na siya ang mas malamang na mananalo? Ito nga siguro ang malaking pagkakamali nating mga Pinoy na sa ating pagpili kung sino angt iboboto, hindi iyong tama para sa puwesto ang ating pinipili kundi ang inaakala nating mananalo.
Bakit ganito tayo? Ang isasagot ng marami ay mas mabuti nang kumampi tayo sa mananalo. Bakit? Ilan ba sa atin ang makakalapit sa kung sino man ang magiging Pangulo ng bansa? Ilan ba sa atin ang maaaring ma-ambunan ng kung anumang bagay ang maaaring ipamigay ng susunod na pangulo?
Sa katotohanan nga, kahit 21 porsiyento lamang ang bumoto kay Fidel Ramos, noong tinanong pagkatapos ng halalan kung sino ang binoto ng mga tinanong, ang sumagot nang “Fidel Ramos” ay halos umabot sa sinkwenta porsiyento. Mas marami pa ang nagsinungling kesa nagbigkas ng katotohanan na sagot sa katanungan!
Ang dapat sana’y kung sino ang gusto nating manalo ang ating binoboto upang manalo ito, Ilan noong halalang Marcos-Cory Aquino ang naniwalang may pag-asa si Cory na talunin ang Diktador? Ngunit binoto pa rin natin si Cory kung kaya nga noong ang prinoklama ay si Marcos, nag-alsa ang bayan laban kay Marcos at nabuo ang People Power sa EDSA.
Dapat sana’y mula noon ay nagbago na tayo. Kaya tayo tumataya at bumoboto na naman sa mas may malamang na mananalo’y dahil sa mga gumagawa ng mga survey kagaya nang SWS. Tanungin natin kung bakit halos sa isang buwan ay ilang beses na gumagawa ng survey ang SWS? Ito kaya’y public service nila o publicity para sa mga kandidatong nagbayad sa SWS upang panalunin nila sa kanilang huwad na resulta?
Huwag sana tayong magpapadala sa mga nanloloko sa atin. Iboto ang gusto; huwag ang tinuturo sa atin ng mga SWS, Pulse Asia at iba pang mga gumagawa ng panloloko sa ating mamamayan. Tiyak na mayroong nagbayad sa kanilang survey, di ba? Napapansin niyo ba na ang pinakamayayamang kandidato ang nangunguna sa kanilang resulta?
Tumino sana ang Pilipino at hindi na kinakagat ang mga huwad na resulta. Bakit rin palaging pina-aalam ng SWS ang kanilang resulta kahit wala namang nagtatanong sa kanila?
# # # #
hvp (07.27.09)

Post a Comment