Deretsahan
ni Horacio Paredes
Ang balita kamakailan lamang ay nagtatag na naman si Gloria Arroyo ng isa na naming ad hoc task force – ang Anti-Hunger Task Forces upang mapabilis ang implementasyon ng programa ng gobyerno at agad maibsan ang gutom na dinaranas ng maraming naghihirap na Pinoy.
Kaugnay nito, inilabas daw ng Presidente ang Executive Order 825 para sa pagtatag ng sinasabing task forces sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan.
Ngunit bakit kailangan pa ang ganitong hakbang? Bakit di na lang dagdagan ang badyet at mga tauhan ng mga ahensya na dapat tumugon sa problemang ito? Nariyan ang Departments of Agriculture; Social Welfare and Development; at pati na ang Education o DepEd na mayroon ding school feeding program. At di ba mayron din tayong National Anti-Poverty Commission na may katulad ring misyon?
SA mga ganitong gawain ng pamahalaan, lumilitaw lamang ang aksaya ng kwarta sa mga ahensiyang may tungkulin sa kung anumang bagay na hindi naman nila na-aateman. Imbes na palitan ang mga tauhan sa ahensiyang wang silbi, gagawa na naman ng Task Force na hindi wala naming maliwanang na pananagutan.
Halimbawa nito ang paglagay ng PASG o Presidential Anti-Smuggling Group, isang hiwalay na grupo na susugpo umano sa smuggling. Ngunit di ba ito’y pangunahing tungkulin ng Bureau of Customs?
Taliwas sa dapat mangyari, tila lalong gumulo ang sitwasyon sa Aduana at sa mga pier. Dahil umano sa walang habas na paghuli at pagdetine ng mga taga-PASG sa mga trak at container vans na lumalabas sa Manila International Container Port at sa Port of Manila – kahit daw nainspeksyon na ito ng Customs appraisers at examiners, kumpleto ang mga papeles, at bayad na ang kaukulang mga buwis.
May mga paratang din na ang importers at customs brokers ay hinihingan umano ng malaking halaga upang ma-release ang kanilang mga kargamento. Sa madaling salita, umaasta daw na parang “Kotong cops” ang mga tao ng PASG at nagsasagawa ng “due diligence” examination.
Kamukat-mukat tuloy, biglang nagdeklara ng strike laban sa PASG ang mga negosyanteng gumagamit sa MICP at Port of Manila . At kamakalawa, nagdaos sila ng isang mahabang vehicle caravan na sinalihan ng umano ng daan-daang container trucks, cargo carriers, at pribadong mga sasakyan. Palasyo ang kanilang pinuntirya. Nais iparating sa Pangulo ang hinaing.
Sigaw ng mga nag-rally: “Buwagin ang PASG! Sibakin si Villar!” Nagkandabuhol-buhol ang mga sasakyan sa ruta ng caravan. At hindi mo pwedeng ulitin sa maliliit na mga anak mo ang mga salitang bumuga sa bibig ng naperhuwisyong mga motorista at commuters. Pero naharang ng mga pulis ang caravan bago ito nakarating sa Malakanyang.
Kawawa naman si Presidente. Di pa man napapawi ang alingawngaw ng mga batikos bunga ng alingasaw sa maluhong hapunan sa New York at Washington DC , heto’t pinuputakte pa rin ng kritismo ang kanyang PASG.
Pero sa aking palagay lang, kasalanan din niya ang nangyayaring ito. Nang isalaksak niya ang PASG sa Aduana, para na rin niyang sinabing wala siyang tiwala sa mga pinuno at mga tauhan ng BOC. Na ang mga ito ay kasabwat ng mga smugglers. At ang tanging pinagtitiwalaan niya ay ang hepe ng PASG na si Undersectary Bebot Villar.
Ngunit hindi nga ba’t may programa ring “Run After The Smugglers” (RATS) ang BOC? Pinakahuling ehemplo nito ay ang raid na isinagawa ng Customs police sa Tabacalera compound sa Ermita kung saan may P400 milyong halaga ng mga alak ang kinumpiska ng raiders dahil wala umanong maipakitang pruweba ang mga naroroon na bayad na ang buwis ng mga ito.
Samantala, dapat sigurong alisin ni Presidente ang PASG at palakasin na lang ang BOC. Tama na iyang mga task forces na hindi naman maaaring panagutin sa hindi nila natutupad na tungkulin at lalo na sa gulo na dindala nila sa pier.
# # # #
hvp (08.19.09)

Post a Comment