Deretsahan
ni Horacio Paredes
Sino man ang magiging pangulo natin ay kinakailangang harapin ang isang napagatagal nang nabibinbin na problema nating lahat. Ang paglago ng ating populasyon ay mas mabilis kesa sa pag-akyat ng ating ekonomiya. Ang madaling lunas ay bawasan natin ang pagdami ng mga Pilipino o maaari rin naman na palakihin natin ang ating eknomiya upang maaari nitong suportahan ang lumalaki nating populasyon.
Mas madali sana ang lunas na tinutulak ng marami – bawasan natin ang pagbubuntis ujpang bumabababa ang paglago ng ating populasyon. Ngunit, ang pinakamalaki nating simbahan ay tumututol sa solusyong ito dahil sa labag raw ito sa mga kautusan ng kanilang Diyos.
Kung sino man ang iyong ihahalal na Pangulo, kaya ba niyang hanapan ng paraan upang makamit natin ang dapat na mangyari sa ating bansa – na mas mabilis ang pag-angat ng ating ekonomiya kesa sa bilis ng ating pag-gawa ng mga bata?
Pansinin ninyo na bawat taon ganito ng ganito ang nangyayari – kulang ang ating mga silid-aralan, libro, teacher at lahat ng mga pangagailangan natin upang maturuan ang mga bata. Kulang rin ang lupain upang ang bawat nilalang ay maaaring matira sa sariling bahay. Sa katotohanan, kahit na paghatihatian natin ang buong Pilipinas, kukulangin pa rin ang ating lupain para sa kinakilangang tirahan ng lahat sa atin. Kulang ang mapapasukang trabaho. Hindi sapat ang kakayahan ng ating ekonmiya na makagawa ng sapat na trabahuan para sa bawat Pinoy. Kaya nga lumalaki ang sektor ng OFW ay dahil sa wala nang maaaring ibuga pa ang ating ekonomiya upang ang lahat ay maaaring makapagtrabaho.
Dagdagan mo pa iyan ng malawak na korapsyon na nakapasok na sa lahat ng sektor – mula sa mga manggagawa, sa pribadong sektor, sa eskwelahan at lalo na sa gobiyerno. Kahit pa sa simbahan ay meron na ring mga lagayan at mga sobreng galing kung saan-saan.
Ang ating mga senador ay tumatanggap ng dalawang milyon kada araw para sa kanilang paglingkod na 100 araw lamang sa isang taon. Ganoon rin ang ating mga kongresman ngunit mas maliit na kaunti ang kanilang tanggap. Marami ring mga pinuno natin ang nagiging sinungaling kapag sila’y nagkakapuwesto sa pamahalaan.
Maniwala ka man o hindi, ang lahat na ito’y magkasama-sama. Ang bawat bagay ay pinasasama ang ibang mga karugtong na bagay, parang masalimuot na makinariya na kung anuman ang mangyari sa isang bagay ay nagkakaroon ng epekto sa ibang parte ng Pinas.
Kaya nga – sa palagay ko’y dapat na ating inaalam ang lahat na bagay na ginagawa, paniniwala at tuntunin ng mga kandidatong humaharap sa atin. Sa aking pribadong pakikipag-usap sa mga kaibigan, madalas na kapag mayroon akong pintas sa napupusuan nilang kandidato, sasagutin nila ako na sobrang personal ang aking pintas. Ngunit, hindi nga ba dapat na ganoon tayo dahil ang mga personal na bagay – kung sino ang asawa, kung sino ang magulang, kung saan siya nanggaling, saan nag-aral, kung papaano siya yumaman at iba pang mga personal na bagay – ang lilitaw kapag siya na ang ating iniluklok sa Malakanyang.
Kung sino man ang magiging Pangulo ng ating bansa ay manggagaling sa isang personal na desisyon ng bawat isa sa atin na magbibigay sa kaniya ng kaniyang boto. Talagang personalan ang labananag ito dahil kung magkakamali na naman tayo, baka lalo lamang maghihirap ang Pinas at pagkatapos ng kaniyang termino, nasaan na kaya pupulutin ang mahal natin at ka-awa-awang bansa.
# # # #
hvp (08.26.09)

Post a Comment