Skip to content

Walang silbi si Mancao

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Marami sa atin ang nag-akala na mayroong kahalagaan ang mga nalalaman ni Senior Supt. Cezar Mancao na makakatulong sa pagbunyag kung ano nga ba ang tunay na kasaysayan sa pagkamatay nina Bubby Dacer at kaniyang driver na si Emmanuel Corbito. Ngunit, sa mga binubunyag ni Mancao, parang wala naman siyang maidadagdag kung di lamang pamparami lamang ng mga bagay na gumugulo sa ating mga isipan.

Sinabi ni Mancao na si Bigote raw ang nag-utos na patayin si Bubby. Ngunit, papaano niya nalaman ito? Naroroon ba siya noong iniutos ito ng dating pangulo? O, baka naman mayroon lamang nagsabi sa kanya na ito ang kaniyang sabihin sa kaniyang affidavit? Ano ang kaniyang patunay na ang dating Pangulo nga ang nag-utos? Tinatanggap rin ba ni Mancao na silang mga pulis ang gumawa ng krimen sa paniniwalang ito ang iniutos ng Pangulo? Ganoon ba silang kasama na pulis na papatay ng kahit na sino dahil lamang sa paniniwala – kahit walang patunay – na ito nga’y iniuutos ng Pangulo ng Pilipinas?

Sa aking pagkakilala kay Joseph Estrada, hindi ako naniniwala na kaniyang ipapapatay ang kaniyang kumpare dahil lamang sa pulitika. Sa totoo, hindi ako maaaring maniwala na mamamatay-tao si Erap. Wala sa kaniyang katauhan ang pumatay o iutos ang pagpatay sa kapwa.

Hindi lang naman ako ang nagsasabi nito. Pati si obispong Bacani at marami pang iba ang ganito rin ang sinasabi.

Tapos, may dagdag na kwento pa si Mancao na lalo lamang nagpapatunay na wala siyang gaanong nalalaman tungkol sa pangyayari. Ayon sa abugado ni Mancao, si Erap raw noong nanalo siya sa halalan sa pagka-Pangulo ay nanalo dahil sa isang dagdag-bawas na gawain. Bakit naman kakailanganin ni Erap na mandaya sa ganoong malayo pa ang halalan ay alam na nating lahat na wala naman talagang panama si Joe de Venecia sa kaniya. Mula noong pumasok si Estrada sa pulitika, hindi siya kinailangang mandaya. Sa katotohanan pa nga, siya ang dinaya noong unang salta niya bilang pulitiko. Ngunit pinanalo niya ang recount na inutos ng korte.

Sa aking basa sa mga kwentong dala ni Mancao, hindi ito naiiba sa mga kwentong kutsero o kwentong barberiya na karamihan ay nangagaling lamang sa mga hinala ng mga utak na walang magawa at hindi gaanong nag-iisip.

Sayang! Akala ko pa naman na maari na nating malaman kung sino talaga ang nagpapatay sa aking matalik na kaibigan na si Bubby Dacer. Yoon naman pala’y pampulitika lamang ang ginagawa ng pamahalaan upang mayroon silang magamit na isyu laban sa maaring bumalik sa pagka-Pangulo ng Pinas.

* * *

Bakit ba ang mga Amerikano na naman ang pinagiinitan ng marami na gusto raw punitin na ang Visting Forces Agreement VFA). Ano ba ang napala natin noong ating pinalayas ang mga base militar ng mga ‘Kano? Wala. Lalo lamang humina ang depensa ng bansa kontra sa ibang mga bansa sa mundo. Kapag ating itapon ang VFA, anong mapapala natin? Wala rin; at lalo lamang tayong mahinirapan sa pagdepensa ng ating bansa sa kung sino man ang mayroong masamang tangka sa atin.

Para sa akin, mas maigi kung mananatiling kaibigan natin ang kasia-isang military superpower sa mundo. Hindi ko maintindiahan kung bakit – sa lahat ng mga bansa sa mndo – parang mainit ang mga mata ng ilan sa atin sa Amerika sa ganoong kada mayroon silang pagkakataon, wala namang ibang tinutungohan kundi sa Amerika.

# # # #

hvp (08.31.09)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*