Deretsahan
ni Horacio Paredes
Kasabihan nating mga Pilipino na mahirap gisingin ang nagtutulog-tulugan, at mahirap makarinig ang nagbibingi-bingihan.
Wala nang gaganda pang ehemplo ng palasak na kasabihang ito kundi ang administrasyong Arroyo.
Sa sa nakaraang ilang linggo lamang, may dalawang matitinding kasong kinasasangkutan ng matataas ng opisyal ng gobyerno ang ayaw pansinin ng wari ay bulag at binging pamunuan sa Palasyo. Sila ay sina Chairman Romulo Neri ng Social Security System (SSS), ang nambugbog ng asawang si Chavit Singson at Finance Undersecretary Antonio “Bebot” Villar, hepe ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG).
Si Neri ay pinatawan ng anim na buwang suspension ng Office of the Ombudsman kaugnay ng P200 milyong suhol na aniya’y inialok sa kanya ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos hinggil sa kaso ng NBN-ZTE project. Ngunit hanggang sa araw na ito, hindi pa nasususpendi si Neri. Ang paliwanag ng Malakanyang, naghain daw kasi ng motion for reconsideration si Neri at hihintayin daw muna nila ang desisyon ng Ombudsman ukol dito.
Patong-patong naman ang mga reklamo laban kay PASG chief Bebot Villar. Ang pinakahuli ay ang dalawang kasong kriminal na isinalang sa Ombudsman ni Atty. Bonifacio Alentajan. Ito’y dahil umano sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sa anim na probisyon ng Revised Penal Code, kasama na ang arbitrary detention.
Ang akusasyon ay may kinalaman sa pag-raid ng PASG sa tahanan ng British national na si Siu Ting Alpha Kwok at, ayon kay Alentajan, ay pag-aresto at pagdetine sa kanya nang labag sa batas. Si Kwok ay pinaratangan ng pagpuslit ng may P500 milyong halaga ng dyamante at mga mamahaling alahas.
Bukod kay Villar, walo pang mga opisyal at tauhan ng PASG ang idinawit sa kaso – sina Jeffrey Patawaran, Guillermo Francia, Atty. Luciano Millan, Capt. Carl Joseph Jaucian, PO3 Florante Azur, Julie Gamboa, Ruben Taguba at isang Jane Doe o “Joy.”
Ang mga ito, ani Alentajan, “unlawfully and illegally arrested Ms. Kwok without the benefit of any warrant to support the arrest, and on a mere suspicion of violating Sections 2530, 3601 and other pertinent provisions of the Tariff and Customs Code.”
Si Kwok umano ay ikinulong nang walang legal na batayan sa Detention Center ng Bureau of Immigration and Deportation. Ngunit hanggang ngayon, wala daw ni isang kasong kriminal o administratibo na isinasampa ang PASG laban kay Alpha Kwok. At sa kanyang 21-pahinang reklamo sa Ombudsman, ito ang mabigat na bintang na ibinato ni Alentajan patungkol sa kanyang kliyente: “Her immediate release from prison is allegedly subject to her payment of a certain sum of money to her abductors, a clear case of kidnapping for ransom.”
Sa madaling salita, sinasabi ni Alentajan na si Kwok ay hinuhuthutan ng pera ng mga taga-PASG.
Tila hindi na bago sa aking pandinig ang ganitong paratang. Kung sasariwain natin ang di pa natatagalang mga pangyayari, matatandaang ganito rin ang naging akusasyon ng ilang miyembro ng Alliance of Customs Brokers, Truckers, Importers and Organizations Nationwide (ACTION).
Ang ACTION ay binubuo ng anim na malalaking organisasyon ng port users o mga negosyanteng gumagamit sa pasilidad ng Manila International Container Port, Port of Manila at iba pang mga daungan sa Pilipinas. Nagsagawa sila ng welga laban sa PASG dahil umano sa pang-aabuso ng mga tauhan nito. Hiniling nila kay Pangulong Arroyo na sibakin si Villar at buwagin ang nasabing ahensya.
Ayon sa mga miyembro ng ACTION, hinaharang daw at hinuhuli ng mga tauhan ng PASG ang mga kargamentong lumalabas sa Customs zone gayong bayad na ang mga buwis para sa mga ito. Pinakakawalan lang daw ang nasabing mga kargamento matapos na ang mga customs brokers, o may ari ng shipment, ay magbayad ng halagang hinihingi ng mga taga-PASG. Kaya nga ang ahensyang ito ay binansagan nila bilang Presidential Abu Sayyaf Group.
Ngunit kung totoo man o hindi ang paratang na kidnap for ransom sa kaso ng hanggang ngayon ay nakakulong pang si Alpha Kwok, hayaan na lang nating magpasiya ang Ombudsman ukol dito.
# # # #
hvp (09.16.09)
Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com
Post a Comment