Deretsahan
ni Horacio Paredes
Kung maayos sana ang pamahalaan, hindi dapat na nangyari ang napakalaking sakuna ng pagbabaha na dala ng bagyong Ondoy. Kung sana’y nagbigay ng sapat na alarma ang PAGASA o ating Weather Bureau na malakas ang parating na ulan, baka nakapaghanda tayo at hindi napakarami ang mamamatay.
Sa aming lugar sa Loyola Heights ay pambihira ang baha at hindi gaanong tumataas ang tubig; ngunit, ngayon lamang kami nakakita ng tubig na napakabilis tumaas at napakalakas ng agos. Sa aking mismong kalye ay tinabunan ng baha ang mga kotse sa kalsada pati na rin ang aking bagong kotse na nasa garahe ko lamang.
Ano kaya ang inaakala ng mga kawani ng ahensiyang ito na kanilang trabaho kung hindi nila naiintindihan na ang lahat ng ahensiya ng gobiyerno’y walang ibang inaatupag kundi ang paglingkod sa mamamayan at sa bansa. Public Service ang dapat na kanilang inaatupag, wala nang iba. Kung ganoon, bakit hindi nila nakita na dapat nilang ipaalam na napakarami ang ulan na bubuhos sa ating bansa.
Sinasabi na ito na raw ang pinakamalaas na ulan na dumating sa Pinas mula noong sinimulan ang pagsukat ng ulang pumapatak sa bansa. Ano ba ang mga taga-PAGASA, mga gago ba sila? Kung sila’y mga taong-agham, papaano nilang hindi makikita ito bago ito pumatay ng napakaraming Pilipino. Ano ba ang ginagawa ng napakaraming taong sinisweldohan ng PAGASA kung hindi rin nila kaya tayong pangalagaan?
At, ang iba namang ahensiya ng gobiyerno, nasaan sila at ano ang kanilang pinag-gagagawa? Bakit parang wala man lamang silang paghahanda at ang lahat na ginagawa’y kung kailang napakarami na ang nasawi. Marahil, kanilang sisishin ang PAGASA dahil hindi rin nila nalaman (dahil sa walang alerto ang PAGASA) na lulunurin tayo ng tubig na dala ni Ondoy.
Ang naging paliwanag ng PAGASA ay napakarami raw ng tubing nabinuhos ni Ondoy. Oo na nga, ngunit anong silbi ng isang ahensiya gaya ng PAGASA na wala namang ibang dapat na inaatupag kundi ang pag-bigay alam sa atin kapag mayroong parating na masamang panahon, lindol o pagputok ng bulkan.
Ito namang si Ondoy ay mayroong pangalan sa ibang parte ng mundo (Kelara) at napansin na ng ibang mga bansa ang lakas nito; mayroon na ring mga ilang nagpahayag na malakas ang dating ng bagyong ito. Bakit para pa ring ginulat nila ang PAGASA at ito’y hindi nakabigay ng alarama sa atin.
Ayon sa isang taong-agham (scientist) na naka-panayam ko, tunay lang raw na mga inkompetente lang ang mga taga-PAGASA dahil sa kaniyang nakita sa mga kuha ng sattelite, halatang-halata raw na talagang napakaraming tubig ang dala nito.
Bakit kaya hindi ito nakita ng mga taga-PAGASA?
# # # #
hvp (09.28.09)

Post a Comment