Deretsahan
ni Horacio Paredes
Mayroon pumuna sa atin: “Ang sabi nga po ng mga nakakarami ay tigilan na natin ang pagtuturo at paninisi sa kung sino ang may kasalanan sa nangyari sa ating bansa dulot ng bagyong Ondoy. Ang dapat po nating gawin sa ngayon ay kumilos para makatulong sa mga biktima na ngayon ay nangangailangan ng kalinga. Kayo ang nandyan sa Pinas at kasama nila, maari po ninyong gamitin ang kolum nyo para makangalap ng pondo o anumang kailangan ng mga kababayan natin diyan imbes na pumuna kayo ng pumuna na hindi naman kailanman nakatulong sa bayan.
“Tigilan na muna natin ang pagsasabi na kasalanan o pagkukulang ni ganito o ni ganyan ang nangyari dahil ang sabi nga po ay yung bumuhos na tubig-ulan na karaniwan ay pang isang buwan ay bumuhos lamang ng anim na oras at maging ang bansang napakalakas gaya ng Amerika ay walang nagawa para paghandaan ang sakunang tulad nito nung dumalaw sa kanila si Katrina. Sa ganitong pagkakataon ay mas mapapakinabangan kayo at magiging kapani-paniwala ngang makabayan kung kikilos kayo para tumulong at hindi yoong magsususulat ng maaring makadagdag lang sa alalahanin ni Juan dela Cruz.
“Tama na, sobra na, tigilan na ang pamumulitika niyo at dakdak. Aksiyon para sa bayan na nangangailangan ang nararapat ngayon.” — Crispin R. Peralta
, Saudi Arabia
Ganoon po ba?
Baka nga tama kayo, ngunit ano kaya ang dapat kong isipin kung sinabi ng Pangulo mo ay ganito: na siya’y lilipat sa Pangarap Center sa kabila ng Pasig upang ang Malacanang ay gagamitin para sa mga nawalan ng bahay. Eto ang eksaktong sinabi niya: “Relocated families will be sheltered in all available premises within the Palace grounds. Government employees will be asked to make room for our guests, and I myself will move across the river to temporary quarters at bahay pangarap in the PSG compound.”
Ayon naman sa kaniyang hepe ng Presidential Management Staff (PMS) na ang dating AFP Chief Hermogenes Esperon, hindi raw isang evacuation center ang Malakanyang gaya ng sinabi ni Gloria kundi :
“This is a repacking center, meaning we will receive donations, repack them, then send them to evacuation centers where the flood victims are. If they want to receive relief goods, they should go to the evacuation centers.”
Dagdag naman ni Presidential Spokesman Anthony Golez na evac center ito para lamang sa mga nawalan ng bahay sa kapaligiran ng Malacnang; ngunit, di ba na ang karamihan ng nabiktima ni Ondoy ay malayo sa Malakanyang — mga taga Marikina, San Mateo, Pasig, Cainta at Quezon City?
Tungkol naman sa payo mo na tumulong na lamang ako na makilimos sa mga gustong tumulong, sobra-sobra na ang mga gumagawa niyan. Nakakatulong naman ako sa iba, kahit papaano, ngunit, sa totoo rin, malaki ang galit ko dahil ang aking bahay na isang townhouse sa Quezon City na hindi naman dating binabaha ay pinasok ng tubig na umabot sa balikat. Nalunod ang kotse at nasira ang lahat na mga gamit. Bakit ito nanagyari?
Merong nagpatambak at nagpasemento sa dapat na daanan ng tubig baha. Napakarami ang napinsala. Sa sistema sa Pinas, napakarami ang mga barangay at ang bawat isa ay mayroong mga sumasahod na chairman, konsehal at mga tanod. Ngunit, bakit nangyayari pa rin ang ganito? Huwag natin sisihin ang ulan sa mga namatay.
Ang pangangailangan natin sa bansang ito ay ang maayos na pamamalakad. Dapat handa tayo sa kahit na anuman na maaaring mangyari sa atin. Imbes, kapag may nangyaring sakuna, ang namamahala’y nagpapaliwanag imbes na gumagawa ng paraan upang di na mauulit pa.
# # # #
hvp (09.30.09)

Post a Comment