Deretsahan
ni Horacio Paredes
Edukasyon ang solusyon. Ito ang matinding paniniwala ni Education Secretary Jesli Lapus bilang pagharap sa problema ng mga kabataang sinawimpalad na nahinto sa pagaaral dahil sa kakapusang pinansyal at panahon. Alam nyo ba na mayroong tinatayang lima hanggang anim na milyon ang mga dropout sa bansa? Nakakalungkot isipin subalit ito ang mapait na katotohan.
Ayon sa rekord ng DepEd, karamihan sa mga dropout ay napilitang tumigil mag-aral dahil sa wala maigugol ang kanilang mga magulang sa mga pangangailangan ng mga bata sa eskwela. Kahit pa umano libre ang matrikula, problema pa rin ang panggastos sa baon, uniporme, sapatos at sa iba pang mga bagay. Sa maraming probinsiya at liblib na lugar, ang ibang estudyante ay nagtitiyaga na lang sa mga sirang tsinelas dahil kilo-kilometro ang kailangan nilang lakarin bago maabot ang paaralan. Kung minsa’y nagpa-paa na lang ang mga pobre basta makapagaral lang.
Lumalabas din na marami sa kanila ay kusang pinahihinto ng magulang sa pagpasok dahil pwersado silang tumulong sa paghahanap ng mailalaman sa tiyan ng pamilya. Sa lalawigan, karaniwang sila’y patulungin sa pagtatanim at pagaani at maging sa pagtitinda na rin. Sa siyudad naman, may mga magulang na pinipilit na maglimos ang mga anak at mayroon din na ibinibenta pa ang sarili nilang mga anak sa mga dayuhan at sa mga operator ng mga cyber sex den upang pagkakitaan. Karamihan sa mga nagiging biktima na ganitong kalagayan ay nagiging streetchildren o mga palaboy. .
Ang ganitong sitwasyon ang patuloy na pinagtutuunan ng pansin at binibigyang solusyon ni Sec. Lapus. Sa pamamagitan ng kanyang programang Drop Out Reduction Program o DORP, inaasahang mababawasan ang bilang ng mga kapus-palad na naudlot ang edukasyon.
Sa ilalim ng proyekto, ia-akma ng DepEd ang kanilang aralin sa schedule ng mga estudyante. Halimbawa, kung sila’y tumutulong sa pagtatanim sa bukid at hindi maaring makapasok sa regular na klase, maari nilang i-uwi na lamang ang kanilang mga leksyon at sa bahay na lang nila ito pag-aralan at gawin ang mga assignment. Meron din tinatawag na distance learning na kung saan ang gagawing pagtuturo ay sa pamamagitan ng Internet. Mahigpit umano ang superbisyon ng mga guro sa pagpapatupad ng programang ito.
Sa pamamaraang ito, sasanayin ang mga estudyante sa walong core o basic subjects: English, Science, Mathematics, Pilipino, Aralin Panlipunan, Edukasyon sa Pagpapahalaga, at Music and Arts, mula first year to fourth year. Sila’y magiging graduate ng Open High School Program o OHSP. Tinatayang bumaba mula 12.51% patungong 7.45% ang level ng mga di nagpapatuloy ng pagaaral buhat nang ito’y sinimulan noong 1998.
Dapat umani ng papuri si Lapus sa ginagawa niyang pagpapahalaga sa kinabukasan ng ating mga kabataang salat sa salapi at oportunidad. Sana ay samantalahin ng mga magulang ang magandang pagkakataong ito.
Kailangan pa natin ang mga opisyal sa gobyernong tulad ni Lapus.
* * *
Isang sulat galing kay Martin Sara: “Dapat manindigan si Noynoy sa kanyang position sa HR Bill. Eh ano kung hindi siya suportahan ng Simbahang Katolika? Kailan naman nagkaroon ng pagkakaisa ang Simbahang Katolika lalo na sa pagboto? Maraming Katoliko din ang pabor sa HR. Kung hindi siya suportahan ng mga Pari, nandiyan naman ang INK at mga Protestante na pabor sa HR Bill. Mas kailangan ni Noynoy ang suporta ng INK kesa sa mga ipokritong Pari na may mga anak sa labas.”
# # # #
hvp (10.21.09)

Post a Comment