Deretsahan
ni Horacio Paredes
Ayon kay Ronald Lumbao, lider ng PMAP, isang samahan ng mga maralita: “Babaha ng protesta sa mendiola kapag diniskwalipika nila si Pangulong Estrada.”
Dagdag pa niya: “Huwag naman sanang maliitin ng rehimeng Arroyo ang angking talino ng masang Pilipino sa isa namang klarong pangogoyo at garapal na planong muling mandaya para siguruhing manalo ang manok ng bulok na administrasyon at mailigtas niya ang kanyang sarili sa tiyak na pagkakakulong kapag nanalo ang totoong oposisyon-ang Erap-Binay tandem.
“Ang eleksyon na lamang sa 2010 ang natitira naming pag-asa para manindigan at maniwala sa mapayapang paraan ng pagkilos upang ipaglaban ang aming karapatan laban sa mapaniil at gahamang rehimen ni Gng. Arroyo, kapag pati ito ay inalis sa amin sa pamamagitan ng pag-diskwalipika ng mga kampon ni Gloria kay Pangulong Estrada ay mapipilitan kaming muling gamitin ang aming lakas at kapangyarihan bilang mga mahihirap upang ulitin ang Edsa 3 at kaladkarin si Gng. Arroyo mula sa kanyang upuan sa Malakanyang. Huwag niyong biruin at takutin ang mga nagugutom na mahihirap dahil marunong din kaming mag-rebolusyon.”
Hindi naman sa minaliliit ko ang kakayanan ng mga masa na mag-alsa ngunit nasa tama ba si Ronald sa kaniyang pag-iisip na hindi ang Saligang Batas ang dapat sundin kundi ang kagustuhan ng mamamayan? Sa aking pananaw, ang pinakamalaki nating problema sa ating bansa ay ang kakulangan ng respeto sa ating mga batas, pati na rin sa ating Saligang Batas.
Sa akng pananaw, kung madeklarang pagbawal kay Erap sa kaniyang ginugustong pagtakbong muli bilang pangulo ng bansa, dapat lamang na tanggapin natin lahat ang hatol ng Comelec at ng Korte. Hindi naman dahil si Erap siya’y dapat na siya’y pinagbibigyan kahit na mali na ang kaniyang ginugusto.
Oo nga’t may duda na baka makalusot siya sa pinagbabawal ng Saligang Batas; ngunit, kung nadisiyunan na ito ng dapat na magdesisyon, di ba dapat lamang na tanggapin nating lahat ang paghatol?
Kung hindi ganoon ang ating gagawain, bale nagiging isip-iskwater tayo na susundin ang kagustohan kahit na sinasapawan nila ang karapatan ng ibang mamayan. Ganito naman ang pag-isip ng marami sa atin, hindi lamang ang mga iskwater.
Halimbawa, mayroong kapapasa lamang ng Kongreso na isang batas na gumawa ng bagong congressional district sa Camarines Sur kahit na hindi pa nararapat na magkaroon ng bagong distito doon. Ang bagong-gawang distrito’y kulang pa ang populasyon na itinakda ng Saligang Batas upang makabuo ng isang distrito na dapat na sobra sa 250,000 ang populasyon.
Bakit ito pinasa ng kongreso’t senado at bakit pinirmahan ito ng Pangulo? Dahil si Dato Arroyo na ngayon ag kongresista ay tiyak na matatalo kung ang dating kongresista doon na tunay na taga Camarines Sur – si Budget Secretary Rolando Andaya – ang tatakbo. Kaya, ang kanilang solusyon ay hatiin ang distrito upang hindi mawalaan ng pwesto si Dato. Labag sa Saligang Batas, ngunit pinipilit!
Ito ay dinala ni Senador Noynoy Aquino sa Korte Suprema upang kanilang hatulan dahil ang Korte lamang ang maaaring magsabi kung ang isang bagay ay labag sa Saligang Batas.
Para bumuti ang ating kabuhayan at gumanda ang ating bansa at umunlad tayong lahat, dapat matutuo ang lahat na sumunod sa ating mga batas, lalo na sa Saligang Batas.
# # # #
hvp (10.28.09)

Post a Comment