Deretsahan
ni Horacio Paredes
Dapat ba tayong magpasalamat sa ating pangulo – Gloria Arroyo – sa kaniyang iiniutos sa kaniyang Executive Order 839 na ipako ang presyo ng gasolina, diesel at LPG sa presyo noong Oktubre 15?
Pasalamat? Dapat ba tayong magpasalamat sa isang taong sinisira ang ating ekonomiya at hinahadlangan ang pagpasok sa Pinas ng mga dayuhang gustong magnegosyo sa ating bansa? Ganito ang nagiging epekto ng ginawa ni Gloria na para lamang naman sa kaniyang sariling popularidad at kabutihan. Ngayon pa lamang ay para na siyang isang kongresista ng kaniyang distrito sa Pampanga na gagawain ang lahat kahit na masama na para sa bansa para lamang bumango siya sa kaniyang distrito.
Sino ang mag-iinvest sa isang bansa kung saan maaaring kunin ng pamahalaan ang iyong negosyo kung hindi ka papayag na magpalugi.
Ang presyo ng mga produkto ng langis ay mataas sa buong mundo. Ayon sa balita galing sa Amerika, ngayon pinakamataas ang kanilang gasolina sa buong taong 2009.
At hindi na bababa ang presyo. Bakit ba nagmahal ang mga produkto ng langis? Sa totoo lamang ang supply ng langis ay may katapusan. Balang araw ay mauubos rin iyan. Sa ngayon kahit hindi naman nadadagdagan ang supply ng oil, dumarami ang mga gumagamit nito. Maraming bansa (pwera lamang tayo) ang umuunlad at lumalago ang kanilang ekonomiya (pwera lang ang Pinas). Dahil dito nangangailagan sila ng mas maraming produkto ng langis.
Sa atin naman, pa-atras ang negosyo. Sa plano ng Petron, sana’y bibili sila ng dalawang order na 250,000-barrel cargo ng diesel para ngayong buwan; isa na lamang ang tinuloy. Ayon sa Petron malulugi sila ng P1.5 bilyon dahil sa EO 839.
Tinaon ito habang pataas ang presyo ng crude oil at finished petroleum products. Kukulangin ba tayo sa ating pangangailangan sa produkto ng langis? Kung titigil ang iba sa pag-angkat ng diesel, gasolina at LPG, ayon sa Petron, hindi nila makakayang punuan ang magiging kakulangan sa langis.
Ang sagot ni Gloria ay ang maaari niyang ipakulong ang mga namamhala sa mga kumpanya ng langis dahil sa economic sabotage! Ngunit, bakit ang mga oil company lang ang dapat na mag-sakripisyo kung pati nga ang pamahalaan ay hindi naman tumutulong sa pagbaba ng presyo.
Halimbawa, diba merong mga smuggled na langis? Bakit hindi ito hinuhuli ng gobiyerno ni Gloria. Ay, hindi lamang iyon, bakit hindi bawas-bawasan ni Gloria ang VAT sa oil products at ang iba pang binabayaran nag mga buwis ng mga oil company?
Di ba dapat rin na kung mag-sasakripisyo ang mga pribadong oil company ay ang pamahalaan ay handa ring magsakripisyo para sa bayan.
Hindi ako kumakampi sa mga dambuhalang oil companies; kumakampi ako sa kung ano ang mas magaling para sa kaunlaran at kinabukasan ng ating bansa. Ang isang pamahalaan na kinkalaban ang lehitimong negosyo at hindi tinitigil ang smuggling, graft and corruption at iba pang sumisira sa lehitimong negosyo ay walang magagawang maganda para sa bansa.
Malapit nang darating ang pag-rasyon ng gasoline at diesel; hihintayin pa ba natin na sapilitang kukunin ni Gloria Arroyo para sa kaniyang pamilya’t kasosyo ang lahat na mga kumpaniya ng langis? Ano nang mangayayri sa atin kapag iwanan tayo ng mga oil companies? Gagaling kaya ang negosyo sa bansang ito? O, baka naming lalo lang tayong lumubog?
# # # #
hvp (11.02.09)

Post a Comment