Deretsahan
ni Horacio Paredes
Sumulat ang isang OFW: “Ako po ay dating SK councilor noong 16 ako; ang tatay ko po ay ilang termino sa pagiging barangay officials at ako po ay nakapag-aral din naman kaya may alam ako konti sa batas.
“Tumanim po sa isip ko mula noong nagseminar kami bilang kasapi at lingkod ng Kabataang Barangay, na ang isang public servant ay dapat walang negosyo o katumbas na pinagkukunan ng yaman.
“Napapansin ko po, karamihan, mula sa lokal hanggang sa mataas na katungkulan ng ating gobyerno ay pawang may mga pinangangalagang kompanya o family business. Katulad na lang po sa bayan namin, ang alkalde namin dati ay naka-3 termino, siya po ang may-ari ng malalaking negosyo, mula sa construction firm, pamilihan, botika, photography, planta ng yelo at iba pa, kaya ang maliliit na negosyante ay apektado. Ganumpaman, alam ko rin na may sagot ang mga apektado sa ganitong pansin kaya,hindi sa pulitiko ko ibinahagi ang sulat na ito.
“Nagtataka lang po ako, kung bakit pinalalampas ng DILG, Comelec at ng kaugnay na departamento ang bagay na ito. Alam ko po na may proseso naman. Batas ba o proseso ang problema?
“Saan ba dapat, magmula ang pagbabago? Sa mga botante at mamamayan ba sa mga ahensya ba na sumasaklaw o sa batas at nagpapatupad ng batas?
“Naniniwala ako sa kakayahan ng bawat Pilipino at ang mga tatayong pinuno ay Pilipino rin. Batid natin na world class ang gawang Pinoy, Kung gagawa talaga nang “mabuti at dapat” ang isang Pilipino o mga Pilipino, makakaya natin.
“Kaya kung ako ang tatanungin, mabuting mahalal ang tunay na kumikilala at may takot sa Dios, at syempre dapat may karunungan sa pamamahala. Yan lang ang palatandaan na ang isang tao ay magiging mabuting lingkod ng mamamayan. Kaya nga po, malaki ang pagtingin ko sa mga lingkod ng Diyos na handang maglingkod din sa sambayanang Pilipino.
“Sabi nila matatalino ang mga Pilipino, sana gamitin natin sa ‘mabuti at dapat.’ Sa ngayon, dadaan tayo sa proseso at sistema. So saan o ano ang problema ng Pilipinas? Mga botante at mamamayan ba (pagpili ng mamumuno), sa mga ahensya ba na sumasaklaw o sa batas at nagpapatupad ng batas? Sa ngayon, ang ating magagawa ay ang pagpili ng “mabuting pangulo at mga lingkod bayan.
“Marami pong salamat, alam ko po, maraming din tulad ko na gusto ng pagbabago sa Pilipinas.”– Rico D. Endaya, Designer Assistant/CAD, Al Rashid Trading & Contracting Company, Riyadh, K.S.A.
* * *
Rico, nagtataka lamang ako kung saan ba itong inyong bayan na parang ang alkalde lang ninyo ang marunong — sa negosyo, sa construction, sa pagkuha ng litrato at pati na pag-gawa ng yelo at sa iba pang maaring pagkikitaan? Baka naman dapat na bumalik ka na sa Pinas at magpapili sa inyong lugar bilang alkalde o konsehal.
Sa totoo, ang mga magagaling na public servant natin ay nagsisimula sa mabuting paglingkod sa barangay, sa mabuting paglingkod sa munisipyo hanggang dumating ito sa paglilingkod sa buong bayan. Doon rin nagsisimula ang mga kurakot na dapat sana’y hindi na natin binibigyan n gating tiwala at boto.
# # # #
hvp (11.04.09)
Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com
Post a Comment