Deretsahan
ni Horacio Paredes
Ano na ba ang nangyayari sa Comelec na kanilang tinatangal ang mga party-list na kumakalaban sa pamahalaang Arroyo gaya ng Magdalo, Filipinos for Peace, Justice, and Progress Movement (FPJPM), Migrante, at Ang Ladlad. Eto nga ang mga party-list na mayroong kabuluhan; baket sila pa ang hindi pinyagan sa ganoong napakarami namang mga party-list na wala namang maayos na plataporma o kahit na layunin para sa ikabubuti ng bansa?
Tiyak na dadalhin ng mga grupong ito ang kanilang kaso sa Korte Suprema at nakikita ko nang lalo lamang gugulo ang parating na halalan lalo’t malamang rin na papalpak ang kanilang sistemang computerization. Tatlong beses nang na-aantala ang pag-deliver ng mga makina. Baka nag-paloko lamang ang Comelec sa mga halatang-halata naman na pinanalo nila sa bidding. Beket naman kaya mag-papaloko ang mga taga-Comelec?
* * *
Baket ba mayroong mga grupo na inaayawan si Bongbong Marcos? Ama nga niya si Ferdinand Marcos na naging diktador ng Pinas ngunit hindi naman yata dapat na kung anuman ang pagkakasala at kalabisan ng magulang ay dapat nating ibintang sa mga anak.
Ang nakalipas ay dapat nang iwanan sa kaniyang panahon. Ang aking ina ay pinakulong ni Marcos ngunit hindi ko naman sinusumpa ang lahat ng pamilyang Marcos at kanilang angkan at hindi rin dapat, dahil mga Kristyano tayo. Hindi ko pinatatawad si Ferdinand Marcos sa kaniyang ginawa ngunit hindi ko rin naman kayang ibintang ang ginawa ng ama sa kaniyang mga anak.
* * *
Dapat mayroong batas sa ating bansa na ang lahat na proyekto ng pamahalaan – LGU man o nasyonal – ay mayroong nakapaskil na ganito: “Proyekto ito ng bansang Pilipinas para sa mamamayang Pilipino gamit ang inyong mga binayad na buwis. Salamat sa inyong lahat.” At walang mukha o pangalan ng kahit na sinong pulitiko ang maaring ipaskil sa mga proyekto dahil sa totoo ay kwarta naman natin ang ginagamit ng mga pulitiko para sa mga proyekto ngunit gusto pa ng mga walang-hiya na magpapasalamat pa tayo sa kanila?
Lokohan nag nangyayari!
* * *
May sumulat sa atin: “Halos maiyak ako sa article nyo at may halong awa sa ganitong malisyosong batikos ng mga leftist kay Noynoy Aquino.
“May duda akong grupo nila ang nagtangkang pumatay kay Noynoy nuon, lamang ay hindi nagsulong pa ng paghihiganti ang pamilya Aquino at pinili pang manahimik na lamang sapagkat ganito palagi ang istilo ng isang respetadong pamilya gaya nila.
“Lehitimong pag-aari ng mga Aquino-Cojuanco ang maliit na bahagi ng Hacienda Luisita. Hindi po ito ‘nakaw-na-yaman’ o mula sa kurapsyon gaya ng ibang nanungkulan sa Palasyo na siyang dapat nilang binabatikos at ma-target para patayin.
“Nais ng bitawan ng mga Aquino ang kanilang shares sa Hacienda pero ang pasya parin para sa kauuwian ng lupa ay hawak ng mas malalaking shares nina Peping Cojuanco et al at sa pag-aari nila ay wala ng control pa si Noynoy para ito ay maipamigay sa magsasaka.
“Lalu nyo lang itinulak ang sambayanang Pilipino para sumuporta kay Noynoy dahil sa kawalang katwiran at pandarahas nyo sa pamilyang minahal ng mga bansa dahil sa sakripisyong ibinigay nila para itaguyod ang demokrasya!” – Regina Carillo
# # # #
hvp (11.23.09)

Post a Comment