Deretsahan
ni Horacio Paredes
Tuwang- tuwa ang maraming Customs broker, trucker, importer at mga ibang nakikipag-transaksyon sa Aduana noong isang linggo.
Ito’y matapos mag-isyu ang Manila Regional Trial Court ng 20-day temporary restraining order o TRO laban sa Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) na noon pa man nais nang buwagin ng maraming grupo. Pinatigil ng korte ang pagpapatupad ng Executive Order no. 624 na lumikha sa PASG noong 2007. Magandang pangyayari daw ito, at ika-nila, sana’y maging permanente na ang utos.
Kasama rin daw sa nagdiwang ay ang mga negosyanteng Koreano na umano’y ginagawang pala-bigasan ng mga bata ni PASG Chairman Antonio “Bebot” Villar. Matatandaang kamakailan ay inireklamo ni Edward Chang, presidente ng Korean Chamber of Commerce, ang ginawang panggigipit ng anti-smuggling agency sa isang kompanyang Koreano na pagmaymay-ari ng PKSS Enterprises sa Bgy. Buting, Pasig City. Tinangka daw itong huthutan ng mga operatiba ng PASG gayong maayos naman daw ang mga dokumento nito.
As usual, itinanggi ng PASG ang paratang. Tulad ng kanilang laging sinasabi, pakulo lang ito ng mga sindikato at tiwaling mga Customs personnel na nasasagasaan sa ginawagawa nilang mga operasyon. Anila, sumulat pa mismo ang may-ari ng PKSS upang humingi ng dispensa sa maling pagbibintang ni Chang.
Maniniwala ba kayo na ang isang dayuhang samahan tulad ng Korean Chamber of Commerce ay maglalakas loob na magparatang nang walang basehan o pinanghahawakang katibayan? Bolahin kaya nila ang lelong nila. Bulong-bulungan nga, baka naman daw may nanakot sa mga Koreano kaya agad binawi ang paratang nila ng pangkokotong ng mga taga PASG.
Ngunit ang nakakabahala dito ay ayon sa mga balita, hindi daw umano susundin ng PASG ang utos ng korte. Tuloy pa rin daw ang kanilang operasyon kahit na may TRO. Ito raw ay base sa opinyon ni Sen. Juan Ponce Enrile na hindi raw maaring pigilin ang gobyerno sa pangungulekta ng buwis. (Ngunit, maari naman yatang ipatigil ang pango-ngotong.)
Dahil sa opinyon ni Manong Johnny, tila nagkasungay na umano si Villar at ngayo’y handa nang suwagin ang korte. Ayon sa kanya, hindi sila titigil sa kanilang ginagawa kasi marami daw silang mabibimbing operasyon dahil sa TRO ni MRTC Judge Silvino Pampilo Jr. Sinabi naman ng palasyo na wala nang imbestigasyong mangyayari dahil nga binawi daw ng negosyanteng Koreano ang bintang nito. Ano kaya ang kanyang kamandag at kahit wala pa mang pagsisiyasat ay sinalo ng Malacañang ang naiipit na chairman?
Kaya naman pabor kami sa umano’y plano ni Enrile na tumawag ng pandinig upang lubos na malinawan na ang papel nitong PASG na tinatawag ng ilang nagging biktima nila na “Presidential Abu Sayyaf Group.” Napapanahon na ang mungkahi ni Senador Enrile.
Sinasabing ni wala umanong report ang PASG kung magkano na ang kanilang nakukulektang buwis at saan ito napupunta. Sana naman ay huwag maligaw sa campaign war chest ng Malacanang ang kanilang koleksyon.
Ayon kay Villar, may mga P200 bilyon ang mga imported X’mas item ang papasok sa ating aduana bago magpasko. Kung sila daw ay tuluyang masususpinde, malaking buwis ang mawawala sa gobyerno dahil sa mauudlot ang kanilang anti-smuggling activities. Sabi ng mga taga pier, baka naman extortion activities ang gusto nilang sabihin.
Kung umasta ang mga taga PASG, ay parang napaka-inutil ng ating Customs at ang PASG lang ang magaling. At parang sinabi na rin nila na lahat ng importer ay smugglers.
Bakit nga ba sobrang tatag ni Villar at ng PASG? Kanino kaya sila nakasandal?
# # # #
hvp (11.25.09)

Post a Comment