Deretsahan
ni Horacio Paredes
Tiyak na uulanin ng papuri mula sa mga Customs broker, importer, trucker at iba pang negosyante si Manila Trial Court Judge Silvino Pampilo sakaling matigil ng hukom ang PASG (Presidential Anti-Smuggling Group).
Tanging si Judge lang ang nagka-lakas ng loob na putulin ang matayog na lipad ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) na nilikha dalawang taon na ngayon ang nakalilipas. Ang PASG ay pinamumunan ni Finance Underscretary Antonio “Bebot” Villar na tila untouchable umano dahil ito daw ay nakasandal sa palasyo. Mismong si Gloria kasi ang nagluklok sa kanya. Tulad ng mga Ampatuan, si Bebot ay balitang-balitang bata-bata rin ng Pangulo.
Ang PASG ay binuo upang tumulong kuno sa ibang ahensiya ng pamahalaan kontra malawakang pamumuslit sa bansa. Pero kabaligtaran naman umano ang nangyayari. Sa halip na ismagler ang kalabanin, ang binabanatan nito ay ang mga dapat nitong alalayan. Damay din daw ang mga nakikipagtransaksyon sa Aduana na umano’y piniperwisyo rin ng mga bata ni Villar. Kaya nga na ngayon madalas mapagkamalian na “Presidential Abu Sayyaf Group” at hindi “Anti-Smuggling”ang PASG.
Halimbawa, sa halip na makipagtulungan sa Bureau of Customs, ang BOC ang unang binangga ng PASG. Matatandaang nagsipagtirik ito ng mga sariling checkpoint sa labas ng customs zone sa Port Area na kung saan ay pinaghaharang ng PASG ang mga container van na lumalabas sa customs, kahit maayos ang mga papeles ng mga ito. Umangal tuloy ang mga customs broker, trucker, importer at mga negosyante dahil nagmistulang ginawang dalawa ang kawanihan ng customs.
Pagkatapos nito ay binangga rin ni Bebot si dating Optical Media Board Chairman na vice presidentiable ngayon na si Edu Manzano. Matapos umanong magpatulong sa isang raid, misteryosong naglahong parang bula ang kanilang nakumpiskang replicating machine na nasa pangangalaga ng PASG. Gagamitin sana itong ebidensiya sa kasong isasampa ng OMB laban sa may-ari ng makina.
Sa bandang huli ay ang OMB pa ang tinuturo ng PASG na may kasalanan sa pagkawala. Pero mukhang hindi lang umano mga ebidensiya ang nawawala kapag nasa pangangalalaga ng PASG. Matatandaang napabalita noong isang taon na isang kilalang Tsinoy drug lord sa Subic, Zambales ang nakatakas. Pinatakas kaya ito habang nasa kustodiya ng PASG ni Villar?
Buhat nang maging supremo si Villar ng PASG ay wala pa akong natatandaang inilabas nitong report ukol sa mga operasyon at mga kaperahang nakakalap ng PASG para sa gobyerno.
Siguro ay mapapanahon na rin na ipa-lifestyle check si Villar para masigurong napupunta ang mga pinipigil nitong kontrabando at kaperahan sa dapat nitong kalagyan. Pati siguro ang mga raid nila ay kailangan ding busisiin para matiyak na di ito nagagamit para sa pangingikil.
At pwede na rin sigurong bulatlatin kung saan nanggagaling ang budget ng PASG. Sino kaya ang nagbabayad ng airtime ng lingguhang programa ni Villar sa isang malaking istasyon ng radyo? Kaakibat nito, saan kaya nanggagaling ang sweldo ng kanyang mga sangkatutak na bodyguard na laging nakabuntot sa kanya 24/7? Panahon na sigurong mag-report si Villar sa tunay niyang mga amo na hindi naman si Gloria Arroyo kundi ang mamamayang Pilipino.
# # # #
hvp (11.30.09)

Post a Comment