Skip to content

Mga Pulitiko

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Baket ba pati na lang sa larangan ng Sports ay mga pulitiko ang namamahala? Ang ating Philippine Olympic Committee (POC) ay pinmumunuan ni Peping Cojuangco , isang dating kongresman; ganoon rin si Henry Angping na namumuno naman sa Philippine Sports Commission (P) na nagpopondo ng mga programa sa pagpaunlad ng ating mga manlalaro.

Dahil dito mas magulo tayo sa sports kaysa sa ating mga kalapit-bansa gaya ng Thailand at Vietnam na ngayon ay nagtutungali sa pagiging numero uno sa South East Asia. Noong una (sa pre-war pa) nangunguna ang Pinas sa halos lahat na Sports sa ating parte ng mundo. Daig nartin ang lahat pati na ang Tsina at Japan.

Ngayon, nang ating malaktawan ang Singapore, Laos, Myanmar, Cambodia, Brunei at Timor Leste, tuwang-tuwa na tayo kahit na nilalampaso tayo ng mga iba kasama na rin ang Indonesia at Malaysia at ng mga nagunguna na Vietnam at Thailand.

Sa aking pananaw, sa mga pinakita ng ating mga lider sa palakasan (sports), ang kanilang laro ay ang nagpaplakasan sila at hindi nila gaanong binibigyan ng pansin ang ating mga atleta; parang mas mahalaga sila kaysa sa ating mga kampeon. Hindi ganito ang pag-trato ng mga ibang bansa sa kanilang mga manlalaro.

At, upang mabago natin ang takbo ng ating mga sports program, kailangang mas na-aalagaan ang mga atleta imbes na ang mga namumuno at iba pang opisyales.

  Baka naman ang ating mga presidentiable ay maaring mangako na kapag sila ang mapipili ay  tatanggalin nila ang lahat na mga politician sa mga National Sports Association, sa POC at sa PSC. Hindi naman kasi talaga bagay na pati ang sports natin na dapat ay walang lamangan at walang dayaan ay binibigay pa rin natin sa mga pulitiko na ang pinaka-nalalamang gawain ay paglalamang, pandaraya at pagiging pikon kapag sila’y natatalo. Napakalayo ng mundio ng sports sa mundo ng pulitika; hindi natin dapat na pinagsasama ang dalawang ito. Hind talaga bagay.

* * *

Ang mga Ampatuan ay walang pagkakaiba sa napakaraming mga pamilyang gustong magtatag ng dynasty sa kani-kanilang bayan. Sa akin namang pananaw, kapag ang isang kongresista, alkalde o kahit na barangay chairman lamang ay tinutulak ang misis o anak na pumalit sa kanila, ito ay nagkakahulugan na hindi sila tunay na public servant kundi mas marami at mas mahalaga ang kanilang tinatanggap galing sa paglilingkod (kuno) sa public service kesa kanilang binibigay.

Kung tunay na serbisyo publiko ang kanilang ginagawa, bakit nila gugustuhin na ang kanilang mga mahal sa buhay ay papasok sa napakahirap na gawain?

Kaya lamang, kung doon naman sila tumitiba at kumikita sila ng sobra-sobra sa dapat nilang sinasahod, siyempre naman gusto rin nilang ang anak o misis ang hahalili sa kanila dahil baka iba pa ang makinabang sa limpak-limpak na kwartang kanilang tinatangsa sa kasalukuyan.

 

# # # #

hvp (12.21.09)

 

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*