Skip to content

Ang Unang Pasko

Deretsahan

 

ni Horacio Paredes

 

“At nangyari, samantalang sila’y nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak.

“At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito’y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka’t wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan.

“At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.” (Luke, 2:6-8)

Sa ating pagdiriwang ng pasko, ang mga belen sa mga altar, shopping center at sa mga malalaking bahay ay malayo sa pasabsaban kung saan hiniga ang sanggol noong unang pasko. Ang katunayan ay sila’y nasa isa lamang kamalig kung saan ay maraming iba’t ibang hayop ang naroroon. Tiyak na hindi mabango ang lugar na iyon at hindi rin gaanong malinis.

Sa ating pagdiriwang ng pasko, pinaganda na natin ang kamalig na iyon ngunit, kung tunay nating iintindihin, ang pagdating sa mundo ng sangol na magiging Jesu Kristo ay nangyari sa pinakamababang maaaring kalalagyan ng isang nilalang.

Walang pagkakaiba ito sa kalalagyan ng ating kasalukuyang mga evacuees ng Mayon o kaya’y ang mga naging biktima ng Ondoy at iba pang mga sakuna. O nang mga walang bahay na natutulog sa lansangan. Mas mahirap pa nga iyong kalagayan ng sangol na Jesus kaysa sa kalagayan ng ating mga evacuation center.

At, kaya naman sa ganito ang kaniyang pagdating sa mundo ay dahil sa ang kaniyang sinasagip ay lahat at hindi lamang ang mga may kaya.            

Nakakagulo tuloy ng pag-iisip kapag nakikita natin ang mga malalaking simbahan na tinatayo ng mga relihiyong Kristiyano na napakamamahal at napakalalaki at maluluhong gusali. Parang sa pag-iisip ng mga namumuno sa mga relihiyon ay ayaw nilang sundin ang ginawang halimbawa ng Kristo mismo na simple lamang at walang ka-luho-luho ang kaniyang pagdating sa mundo.

Hindi ko naman alam kung ang ating pinaniniwalaan ngayon na mayroong koro ng mga anghel na lumitaw at kumanta sa kaniyang pagsilang ay tunay na nangyari. Baka naman, sasabihin ng ilan, na napakaluho rin ng pagkasilang Niya dahil na nga ang buong langit ay bumaba rito upang bigyan ng importansya at seremoniya ang kaniyang pagkasilang.

Ngunit, hindi naman ganoon ang nangyari dahil, kung bumaba nga ang langit,  bakit iilan lamang ang naka-alam na nasa mundo na ang Anak ng Diyos.

Ito lamang ang aking punto: Kung tayo’y Kristiyano, ang pinakamagandang dapat nating ginagawa lalo na’t sa pagdiriwang natin sa pagsilang ng sangol na Jesus sa mundo ay ang magpakita ng tunay na pagmamahal sa mga dukha at walang kaya. Sabi nga ng ating Panginoon: “Kung ano ang ginawa mo sa kapatid ko ay ginawa mo sa akin.” (Matthew 25:40)

Kaya, iyon na ang pinakamagaling na pagsunod sa kaniyang tagubilin – mahalin ang kapwa at gumawa ng mabuti sa lahat.

Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon sa ating Lahat!

Mahalin ang Kapwa gaya ng Ating Pagmahal sa Sarili. Iyan ang iniutos Niya sa ating lahat.# # # #

hvp (12.23.09)

 

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*