Deretsahan
ni Horacio Paredes
Dati-rati, kapag nadesisyunan na ng Korte Supreme ang isang kaso, tapos na ang kasong iyon at hindi na maaari pang balikan muli; kaya tuloy, noon, ay sinasabi nila na ang Korte Suprema ang “Court of Last Resort” dahil kung hindi ka pumasa sa Korte, wala ka nang iba pang maaring puntahan.
Kamakailan ay binago ito ng mga kasalukuyang hukom ng Korte. Mayroong isang kaso na nadesisyunan na nila na labag sa ating Saligang Batas; ngunit, pagkapos na desiyunan ng Korte Suprema at pinasya pa ng Korte na tapos na ang kaso at hindi na maaari pang i-apela, pinalipas ang kalahating taon bago inulit ng Korte Suprema ang pagdinig nito at binago ang kanlang desisyun – sang-ayon na raw ngayon sa Saligang Batas.
Kung ito ay nangyari sa mas mababang kapulongan, tiyak na ipa-iimbistiga ng Korte Suprema ang mga huklom dahil kanilang paghihinalaan kung bakit bumaliktad ang korte sa dating desisyun.
Ang kaso ay mga batas na pinasa ng kongreso na gumawa ng 16 na bagong “city” kahit na ang mga ito ay kulang pa ang populasyon at ang income sa nakatakda sa Local Government Code. Maliwanag na dapat umabot ang mga residente sa 100,000 at mayroon ring nakatakdang dapat na kinikita ang isang munisipyo bago ito maaaring gawaing lungsod.
Ngunit hindi na iyon ang isyu. Ang atin ngayong hinaharap ay kung ganito na ba ang magiging patakaran mula ngayon sa Korte Suprema. Ang tao bang nahatulan na nang pagkabilanggo ay maaaring biglang mapawalang-sala kahit na sinabing tapos na ang kaso at wala nang tatangapin pang apela, gaya ng naging unang desiyon nila sa kasong kanilang binalikan at binuhay ulit kahit matagal na itong tapos?
Papaano kung kanilang balikan, halimbawa, ang kanilang naging desisyun na hindi na Pangulo si Erap dahil sa kanilang tinawag na “constructive resignation” kahit wala naamang ganito sa ating mga batas at hindi naman kahit kailan nag-bitiw si Erap? Noon, kapag hindi tayo sumasang-ayon sa hatol ng Korte Suprema, ang ating nagiging pasiya ay “Dura Lex, sed Lex” o “mahirap ang batas ngunit iyan ang batas.”
Papaano kung bigla nilang ibalik ang ginawang papirma ng mga gustong baguhin ang saligang batas nang madalian sa pamamagitan ng Con-Ass? Sinabi noon ng Korte na mali ang ginawa kahit pa nakapirma ang sapat na mamamayan sa petisyon sa pagbabago ng Saligang Batas? Maaari kayang balikan ito ng Korte dahil nagbago ang sitwasyong pulitikal?
Hindi kaya mawawalan na tayo ng respeto at pananaw sa Korte kapag ganito na ang kaniyang mga Hukom?
Para sa akin, ang pinakamasamang nangyayari sa ating bansa ay ang pagpasok ng pulitika sa lahat ng bagay kahit na sa sports, sa simbahan, sa negosyo, sa eskwelahan at sa lahat na bagay na dapat sana’y walang pulitika.
Kung ganito na ang nangyayari sa ating Korte Suprema, saan pa tayo makaka-asa nang pinal na desisyun sa ating mga pinoproblema? Sa mga mamamatay-tao na lang ba ng NPA tayo makakaasa ng katarungang hindi na maaari pang balik-balikan dahil sa pagbago ng ihip ng hanging pulitikal?
* * *
Kung mayroon kayong hinahanap na kolum, tumungo lamang sa www.duckyparedes.com/blogs. Maari kayong mag-email sa duckyparedes@yahoo.com
# # # #
hvp (12.28.09)

Post a Comment