Skip to content

Manigong Pangalawang Dekada

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Ngayon ang huling araw ng unang dekada ng ika dalampu’t-isang siglo. Sana naman na ang susunod na dekada’y hindi na magiging dekada ni Gloria, gaya nang dekadang patapos.

Noong 2001, tinanggal ng Korte Suprema si Pangulong Joseph Estrada at pinasumpa si Gloria Arroyo bilang Pangulo natin. Mula noon, wala nang mas matinding pahirap sa buhay natin kundi si Gloria. Bilyones ang inubos niya sa walang saysay, walang kabulohan at walang silbing pag-bibiyahe sa buong mundo. Wala nang iba pang Pangulo ng Pinas o kahit na ibang mga bansa sa buong Asya ang makalalampas sa dami ng biyahe ng ating pinakamahal na Pangulo. “Pinakamahal” as in “pinakamagastos!”

Ang isang dapat natin asikasuhin sa susunod na dekada ay ang ating Saligang Batas. Dapat talagang baguhin na ito. Kaya lamang, ang magbabago nito – mula sa Pangulo hanggang sa mga delegado – ay dapat walang ambisyon na pang-salire.

Ano ang dapat na walaain sa saligang batas? Para sa akin, tanggalin ang “pork barrel” dahil kahit pa sa mga kongreistang hindi kinukurakot ito, ginagawa silang mukhang kwarta ng pork barel. Imbes na ang pagsusulat ng mabubuting batas ang inaasikaso, ang kanilang tinatanaw ay kung magkano ang kanilang kwarta kung makikilaro sila sa Malakanyang. Dapat ring tanggalin ang ”term limits.”  Mas mahusay pa na ang isang alklde, halimbawa, ay manatiling alkalde kahit na abutin pa ng ilang dekada kung maganda naman ang kaniyang paglilingkod. Mas masama pa ang sistema na ang anak at asawa ang papalit sa alkalde sa pagtapos ng kaniyang termino. Lalo lang dumarami ang mga pulitiko. Ang mga anak nila, imbes na maghanap ng ibang gawain ay inaaksaya ang buhay nila sa pamumulitika.

Dapat ring baguhin ang mga probisyon tungkol sa Presidente. Dapat iliwanag na kapag nakatungtong na sa pagiging Pangulo – kahit ilang araw lamang, hindi na maari pang magpapili sa kahit anumang puwesto. Sa ganito, baka ang mga Pangulo’y mas pagbubutihin ang kanilang paglingkod sa bayan.

Dahil rin ang mga mayayaman sa ating bansa ay hindi  ginagamit ang kanilang kayamanan upang paunlarin ang bansa, dapat na buksan na natin ang ekonomiya para sa lahat ng dayuhan. Bigyan natin sila ng karapatang pumasok sa kahit anumang negosyo at bumili ng lupain para sa kanilang factory at bahay.

Ang nakikinabang lamang sa pagbabawal ng mga iyan ay ang mga mayayaman natin na hindi naman sinusugal ang kaniklang kayamanan sa negosyo upang makapagtrabaho sana ang napakaraming mga Pinoy na dahil sa walang mahanap na trabaho sa Pinas ay kung saan-saan sa mundo napapadpad para lamang makapagtrabaho.

Papasukuin natin ang mga magbibigay trabaho imbes na tulakin ang mga Pinoy sa ibang bansa upang makapagtrabaho.

Marami pang ibang bagay na dapat na baguhin sa ating Saligang Batas; ngunit, kahit walang gaanong mga bagong batas ang mailalabas ng Kongreso, sa katunayan lang, kung pinatutupad lamang ang lahat ng mga batas natin, hindi naman sana magiging ganito kasama ang buhay natin sa ating mahal na Pinas!

* * *

Felix sit annus novus sa Latin; Feliz año Nuevo sa Kastila; Akemashite Omedetou Gozaimasu sa Hapon; Sun nien fai lok sa Cantonese; Sehe Bokmanee Bateuseyo sa Koreano at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat.

# # # #

hvp (12.30.09)

 

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*