Skip to content

Sa Pagpili ng Sunod na Pangulo

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Sa ikalawang Lunes ng Mayo, 114 na araw na lamang mula ngayon, iboboto na natin ang mga kandidato sa iba’t-ibang puwesto sa ating pamhalaan kasama na ang ating sunod na Pangulo.  Sa aking pananaw, dahilan na rin sa napakarami ng mga survey na ginagawa nang kung sino-sino na lang at kahit pa ang mga survey na galing sa mapapagkatiwalaan na mga kumpaniya, tila hindi maayos ang ating pag-pili kung sino ang ating iboboto.

 Madalas nating nadidinig na okey sana ang kung sinong kandidato ngunit wala namang pag-asang manalo. Papaano nating na-iisip na wala silang pag-asang manalo? Dahil ba sa hindi sila pumapasok sa mga listahan ng mga nangunguna sa mga survey?

Una, bakit ang pagka-panalo ang ating unang tinitignan? Sa isang halalan, ang dapat nating binoboto ay kung sino ang ating napupusuan. Ang pag-boto ay hindi gaya ng pagtaya sa boxing, karera o sabong na ang ating pinipili ay ang inaakala nating mananalo. Tama lamang sa sugal na ang mananalo ang ating kakampihan dahil sa ganoong paraan babalik ang ating ipinupusta. Ibahin natin ang halalan.

Kung ang bobotohan mo ba ang nanalo sa pagka-Pangulo ay meron ka bang personal na matatanggap na gantimpala mo dahil sa  tama ang iyong pinili? Makikilala ka kaya ng nahalal na Pangulo? Malamang, pwera lamang kung dating kilala ka na o kaya’y sikat kang tao; ngunit, ang karamihan sa atin ay hindi makakaroon ng pagkakataong makamayan man lamang ang mapipiling Pangulo.

Kaya, bakit magiging mahalaga na ang ating iboboto ay iyong mananalo? At, sino naman ang makakasabi ng eksakto kung sino sa napakaraming tumatakbo ang mananalo?

Kung halimbawang malapit na ang halalan at pumiupili ka sa dalawang kandidato at mayroon ring isang kandidato na sa iyong palagay ay hindi dapat maging Pangulo, baka dapat (sa ganoong sitwasyon) ang piliin mo ay ang  – sa iyong pananaw –mas malakas at mas may pag-asang manalo sa dalawang napupusuan mo. Ngunit, kung sa simula pa lamang ay ang mananalo na ang iyong hinahanap na iyong iboboto, malamang na magkakamali ka sa iyong pagboto.

Una, pumili ka nang napupusuan mo at alamin mo kung bakit siya ang iyong pinili. Dahil ba sa gwapo o magaling kumanta o nakakatuwa ang kaniyang mga biro o umaasa kang may tatanggapin kang tulong galing sa kanya?

Kung ganito lang kababaw ang iyong mga rason, pumili ka muli at ang iyong tignan ay ang nagawa na noong tao? Nagkaroon na ba nang pagkakataong nangurakot siya? Mahal niya ba ang Pinas at ang mamamayan nito? Maganda ba ang kaniyang mga plano para sa atin? Kaya ba niyang ipatupad ang mga planong ito o baka naman mga pangako lamang ang mga ito na mapapako gaya ng karaniwang mga pangako ng mga pulitiko.

Ipakita natin ang ating pagmamahal sa Pinas sa mabuting pagpili ng ating sunod na Pangulo. Dumaan tayo sa isang dekada sa ilalim ng isang masamang Pangulo. Huwag na nating ulitin pa ang katatapos lamang na masamang karanasan. Kung lahat tayo’y pipiliin ang Pangulong ating napupusuan, manalo man sila o hindi, gaganda ang takbo ng Pinas at pati ang mga pulitioko’y mapapansin na nagbabago na ang Pinoy at hindi na nila kayang lokohin o bilihin o takutin. Maniwala ka.

 

# # # #

hvp (01.04.10)

 

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*