Skip to content

Tungkol sa Edu-kasyon

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Taon na ng eleksyon, kaya lahat ng mga nangangampanyang kandidato, mula sa pagiging pangulo hanggang sa pagiging kagawad ay nagpapakawala na kung ano-anung mga pangako. Subalit mabibilang sa daliri ng isang kamay ang may alinsunod na programang  malawakan at makabuluhan. Isa dito ay si Edu Manzano, kandidatong bise-presidente ng Lakas- Kampi-CMD.

Ayon kay Edu, ang pag-angat ng kalidad ng edukasyon ay susi sa pag-unlad ng bayan at pag-ibayo ng ating kakayahang  makipagtagisan ng galing sa mga mas maunlad na bansa. Sang-ayon ako dito, dahil  malayo pa ang ating tatahakin kung kalidad ng edukasyon ng ibang bansa ang magiging sukatan. Ayon sa 2007 Mid-Year Edition ng Academic Ranking of World Universities sa Southeast Asia, ang University of the Philippines ay no.17 lang sa Top 20 universities in Southeast Asia. Ang number 1 and 2 ay nasa Singapore ( National University of Singapore at Nanyang Technological University)  at ang pangatlo hanggang pang-lima ay matatagpuan sa Thailand. 

Ang listahan na ito ay base sa web presence o dami ng papeles hinggil sa siyensya na nailabas ng  bawat unibersidad sa Internet. Ngunit maaring hindi lang ito ang batayan, dahil ang National University of Singapore, at Nanyang Technological University ay nakalista rin sa Asiaweek’s World Class Universities.  Ayon naman sa  US News and World Report 2009  Top 30 Asian Universities, ang National University of Singapore ay pang-apat.

Ayon kay Edu, isang paraan upang mai-angat natin ang kalidad ng edukasyon, bagama’t binawasan ang budget ng Department of Education sa 2010, ay ibuhos ito sa sweldo ng mga guro upang ganahan magturo, at sa mga programang mag-uudyok  sa mga estudyante upang maging masigasig mag-aral.

Karugtong nito, kinakampanya din ni Edu na bigyan ng pinansyal na tulong ang  ordinaryong estudyante  mula sa mahihirap na pamilya  kahit na ang grado nila ay hindi kataas-taasan. Ayon kay Edu, sa pagbibisita niya sa mga lalawigan, nabatid niya na  napakaraming estudyante ang tumitigil mag-aral sa lahat ng antas dahil sa kakulangan  sa pera. Ang tulong na ito ay sa pamamagitan ng subsidy o allowance. “Sa isang daang Grade 1 na estudyante, 52 porsiyento ang humihinto bago pa makatungtong ng fourth year high school.” ani Edu. “Sana maipatupad  ang tulong pinansyal na ito kahit sa elementary o high school levels man lang, kung di kaya hanggang kolehiyo,” dagdag niya.

 

Yan ang tinatawag na mga malinaw na patakaran hinggil sa edukasyon, hindi lang pa-slogan-slogan tulad ng ginawagawa ng ibang kandidato. Kung maisasagawa ang tatlong yan: pagtaas ng sweldo ng titser upang mag-ibayong  magturo; kakaibang pag-engganyo sa mga estudyante  upang maging masigasig mag-aral; at tulong pinansyal sa ordinaryong estudyante para makatapos mag-aral, sa wari ko, aangat ng husto ang kalidad ng ating edukasyon.

 

 Mahalaga ito dahil ayon sa National Statistics Office, ang projected population natin sa 2010 ay mula 93,506,600 hanggang 94,349,600. Noong nakaraang taon, 21milyon ang kabuuang dami ng estudyante sa public at private schools. Sila ang susunod na henerasyon, at sa kanila mangagaling ang mga bagong liderato ng ating bansa. Kailangang turuan sila ng tamang asal at bigyan ng lahat ng pagkakataong mahasa ang kanilang talino, dahil nasa kamay nila ang takbo ng ating kinabukasan.

                             # # # #

hvp (12.09.09)

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*