Deretsahan
ni Horacio Paredes
Nauunawaan natin ang kasabihang, sa loob ang kulo. Tinutukoy nito ang isang taong may itinatagong damdamin. Kadalasan, ang pilyong kahulugan ay may itinatago o binabalak na kapilyuhan o kalokohan. Ang taong sa loob ang kulo ay di agad napapansin at, kadalasan din, ito ang kanyang nais dahil mayroon siyang di kanais-nais na binabalak. May nasilip na ganyang tao sa Bureau of Customs o BOC na kung tutuusin ay kakaiba, dahil ang tanggapan na yan ay hitik sa mga taong lantaran ang pakay. Mas kataka-taka dahil ang taong yan ay matagal nang naninilbihan – panahon pa ni dating Pangulong Ramos.
Ika nýo ay baka naman magaling kaya tumagal. Magaling kung magaling, dahil siya mismo ang naglunsad ng computerization program sa Customs. Ngayon, karamihan kung hindi lahat ng pagkalap ng kita sa BOC ay dumadaan na sa computerized na sistemang ito, upang mapabilis daw ang proseso at siyempre para lumaki ang koleksyon ng tanggapan. Ang problema, ang tao lang na ito na mismong hepe ng Customs Information Technology Department ang tanging nakakaalam ng lahat ng nangyayari. Walang ibang kawani sa kanyang departamento ang nakakakita ng kabuuan ng operasyon – mula sa pagpasok ng datos hinggil sa nakolekta hanggang sa paglathala ng kinita ng Customs.
Mismo ang BOC Commissioner na si Napoleon ”Boy” Morales ay nakakakuha lang na tinatawag na “Read Only” copy ng kahit anong report mula sa IT department. Sa madaling salita, kung gustong usisahin ni Morales ang natanggap niyang ulat, hindi niya puwedeng kalkalin ang datos mula sa kanyang computer; kailangang tanungin pa niya ang puno ng kanyang IT department.
Sino ba itong naghahari-hariang kawaning ito? Ayon sa ibang importer, nirekomenda ito ni Pangulong Ramos kay Guillermo Parayno, Jr. na dating hepe ng BOC. Ngunit bago ang lahat, nagsilbi ang taong ito bilang tagapamagitan ni Pangulong Ramos. Maari dahil galing siya sa Philippine Military Academy.
Ngayon, si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ang matagal na namumuno, pero ang tutoong amo daw nito dalubhasa sa computer ay mga dating hepe ng mga ahensiyang pinakamalakas na kumalap ng kita para sa pamahalaan. Eto pa, ang mga bosing na ito ay mga katunggali ni GMA! Aba, paano nakalusot sa pag-usisa ng Malacanang ang dalubhasang ito? Talagang iba ang sa loob ang kulo!
Pero mukhang sumasablay na rin si ekspert. Nagkakabuhol-buhol daw ang bagong lunsad na e2M proyekto na isinagawa niya. Sa sistemang ito, makakapag-ugnayan ang mga importer, exporter at customs brokers sa BOC sa pamamagitan ng cellphone o kaya SMS. Ang isang bahagi ng sistemang ito ay pagbubukod ng kargamentong dumarating mula ibang bayan ayon sa lagay ng kanilang papeles. Ang maayos ay hindi na inuusisa at pinadadaan sa Green Lane. Ang may kailangan ng kaunting pagsuri ay sa Yellow lane at ang kaduda-duda at kailangang buksan upang malaman kung ang loob ay tapat sa idineklara ay iginagawi sa Red Lane. Ayon uli sa ibang importers, ang dapat sa isang lane, napupunta sa kabila, kaya na-aantala ang paglabas ng kargamento na sadya sanang pabilisin ng sistemang ito.
Pati ang mga kasapi ng Philippine International Seafreight Forwarders Association of the Philippines (PISFA) ay umaangal sa pagka-antala at dagdag gastos na sanhi ng import assessment system (IAS); isang bahagi ng e2M proyekto. Mas lumolobo daw ang suliranin kapag ang kargamento ay dumarating sa gabi, dahil sa susunod na araw na napro-proseso ang papeles.
Tanong ko ngayon kay Commissioner Morales, ano ang inyong gagawin sa sablay na ito at sa puno ng inyong IT Department?
# # # #
hvp (01.25.10)

Post a Comment