Deretsahan
ni Horacio Paredes
Para sa mga taong tunay na naglilingkod lamang sa bayan, napakadali ang bumitiw sa puwesto; ngunit, para naman sa mga gumagamit ng puwesto para pang-sarile, napakahirap nilang iwanan ang kapangyarihan.
Baklit ba pinipilit ni Gloria Arroyo na siya ang magtatalaga sa susunod na Chief Justice (CJ) sa pag-retiro ni Reynato Puno sa Korte Suprema sa Mayo 17, 2010? Sa limang kinokonsidera ng Judicial anf Bar Council (JBC), dalawa na ang tumanggi at dalawa pa rin ang nagsabing papayag lamang silang maging CJ kung ang mag-tatalaga sa kanila ay ang susunod na Pangulo at hindi nila ito tatanggapin kung si Gloria ang magtatalaga sa kanila.
Kahit ganito na ang sitwasyon, sinasabi pa rin ng Malakanyang na pipilitin pa rin ni Gloria Arroyo na siya mismo (at hindi ang susunod na pangulo) ang matatalaga kay Renato Corona (dahil siya na lamang ang naiiwan sa inilista ng JBC na hindi pa tumatanggi na italaga ng Pangulong patapos na ang termino.
Inaakala kaya ni Gloria na kung italaga niya si Justice Corona bilang CJ na maasahan niya si Corona na taga-ayos ng kaniyang mga kasong haharapin sa pagbaba niya sa Malakanyang? Ako’y naniniwala na hindi ganito karupok at kahina si Justice Corona. Sa aking pananaw, mayroon itong sariling pag-iisip, konsiyensiya at pagmamahal sa katotohanan at katarungan at may paninindigan sa kung ano ang tamang gawain ng isang CJ. Hindi ako naniniwala na dahil lamang na si Gloria ang magtatalaga sa kaniya ay habang-buhay na itong mag-lilingkod na para lamang kasambahay ni Gloria.
Maliwanag na ayaw pang magbitiw si Gloria; pati ang pagtakbo niya bilang Congresswoman ay para lamang na – kahjit papaano – meron siyang kakapitang puwesto, tungkulin at kapangyarihan. Sa kaniya yatang pananaw, para kay Gloria, ang pinakamahirap ay ang wala na siyang kahit na kaunting kapangyarihan at isa na lamang siyang pangkaraniwang mamamayan ng Pinas.
* * *
Ako rin naman ay hindi naniniwala na ang isang dapat nai-pangako ng mga kandidato sa pagka-Pangulo ay ang kanilang ididiin si Gloria sa kaniyang mga pagkakamali at pagkakasala sa bansa at sa mamamayang Pilipino.
Para kasi sa akin, ang magaling na Pangulo ay ang hindi gaanong pinakikialaman ang trabaho ng iba. Kapag ang Panguo ay inuutusan ang pulis na hulihin ang mga kidnapper o kaya’y hanapin ang kung anumang mga salarin, ang ibig ba sabihin ng ganito ay hindi nalalaman ng mga pulis ang kanilang tungkulin? Kung alam naman nila, bakit kinakailangan pang ipag-utos ng Pangulo na gawin nila ang kanilang trabaho?
Ang magaling na Pangulo ay iyong pipili ng pinaka-magagaling na kaniyang itatalaga sa kaniayng gabinete at sa iba pang mga puwesto. Tapos, dahil sa ginagawa na nila ang trabaho, hindi na niya dapat itong paki-alaman at dapat na pabayaan na niyangs gawin nila ang dapat. Kung ganito ang ating Pangulo,. Tiyak na magiging maganda ang takbo ng susunod na pamahalaan.
Ang pakialmerang Pangulo naman ay tiyak na maraming tinatago na ayaw niyang ipa-alam kung kaya’t pinakikialaman ang lahat nang bagay.
# # # #
hvp (02.01.10)

Post a Comment