Deretsahan
ni Horacio Paredes
Isang napakahalagang tanong ang nakaamba sa mga botante sa darating na eleksyon sa Mayo 10. Ang tanong na iyan ay: dapat bang bigyan ng pagkakataon na muling kumandidato ang isang dating lingkod bayan na napatunayang gumawa ng mabigat na kasalanan, at nagdusa sa bilangguan?
Ang pinakamalaking halimbawa ay si dating Pangulong Estrada, at alam naman ng lahat kung ano ang ibinintang sa kanya. Ngunit si Erap ay binigyan ng absolute pardon na bumura sa lahat ng anumang naging bunga ng naging hatol sa kanya.
Nariyan din si dating Kongresista Luis “Baby” Asistio ng Caloocan. Kidnap for ransom naman ang naging kaso niya noong 1962. Ngunit makaraan iyon ay tatlong ulit siyang nahalal bilang Congressman at ngayon naman ay tumatakbo sa pagka-Mayor ng nasabing siyudad at mukhang mananalo pa nga. Ganoon rin si Bimbong Crisologo ng QC,
Ngunit higit na mas dapat ukulan ng pansin ang kaso nitong si dating Gobernador ng Quezon na si Eddie Rodriguez (kapangalan lamang ng naging sikat na artista) na noong 1984 ay “pumatay” sa kanyang asawa at biyenan, at kumubra ng $150,000.00 (P700,000) sa insurance sa Amerika para sa dalawa niyang “biktima.” Dangan nga lang at napatunayang pineke lang pala niya ang “kamatayan” ng dalawa.
Ang kaso ay may kinalaman sa maraming insurance policy na kinuha sa apat na kompanya ng insurance sa US. Kung hindi nabuko ang pakulo ni Rodriguez, aabot pa sana sa $850,000.00 ang kanya nakulimbat sa mga kompanyang ito.
Dahil dito, pinapanagot siya ng isang korte sa California ng apat na kaso ng insurance fraud o panloloko, isang kaso ng grand theft o malakihang pagnanakaw at tatlong kaso ng attempted grand theft o tangkang malakihang pagnanakaw.
Dalawang milyong dolyar ($2 million) ang itinakdang piyansa sa kanya ngunit siya at ang kanyang asawa ay tumakas pabalik sa Pilipinas. Kumandidato siya at nanalong gobernador ng Quezon. Subalit sa bisa ng Extradition Treaty sa pagitan ng Pilipinas at ng US, dinakip siya ng lokal na Interpol unit at isimnuko sa dalawang US Marshals na nagdala sa kanya sa Amerika.
Nilitis siya doon, napatunayang nagkasala at nasentensiyahan ng ilang taong pagkabilanggo. Bumalik siya sa Pilipinas matapos pagdusahan ang mabigat niyang kasalanan at ngayon nga ay tumatakbo bilang Kongresista ng Ikatlong Distrito ng nasabing lalawigan.
Hindi masisisi ang kanyang mga kaprobinsiya kung ang mga ito’y mag-alinlangan sa kanyang katapatan.
Napakabigat na kasalanan ang pandaraya, panloloko at pagnanakaw. Sadyang naging napakalakas ng loob niyang gawin ito gayong napakahigpit ang mga batas ng US. Masusi din nilang inuusig ang mga kriminal doon. At ito’y napatunayan sa masikap at malalim na imbestigasyong isinagawa ng Fraud Division ng California Department of Insurance.
Isipin na lang na kinasangkapan pa niya ang kanyang asawa’t biyenan, na kanya pang “pinatay” para maisagawa ang gayong maitim na balakin.
Kaya ang tanong ng mga botante sa kanilang lugar ay dapat na ganito: Dapat pa bang pagtiwalaan si Eddie Rodriguez? Hindi kaya gawin nito sa kabang bayan ang kanyang ginawa sa Amerika, lalo na’t dito sa Pilipinas ay itinuturing na lubhang makapangyarihan ang isang miyembro ng Kongreso?
Tanging mga botante lang ng Ikatlong Distrito ng Quezon ang makasasagot sa mga tanong na iyan. Nasa kamay nila ang pagpapasiya. Ngunit tayong mga Pilipino ay may kasabihan na “Walang manloloko kung walang paloloko.” Iyan na rin ang dapat nating ipa-alala sa lahat na botante dito sa ating Pinas sa anumang distrito o lalawigan sila boboto.
Kahit na rin sa isang tumatakbong kongresista ng Pampanga.
# # # #
hvp (02.08.10)

Post a Comment