Skip to content

Bagong Hari, Dating Ugali

Deretsahan

 

ni Horacio Paredes

 

 

            Sabi nila, kapag bago ang pinuno ng isang organisasyon, kadalasan nagbabago din ang sistema ng pagpatakbo. Natural lang daw ito dahil lahat ng namumuno ay may kani-kaniyang personalidad na lumalabas sa estilo ng pamamalakad. Kaya pag bago ang hepe,  kabado ang mga empleyado.

           Subalit para sa mga distributor sa Metro Manila at Central Luzon ng isang kilalang banyagang kumpanya na gumagawa  ng  mga produktong pagkain tulad ng kape, tsokolate, gatas at iba pa, ang pagpasok ng bago nilang hepe ay tila magandang balita. Inaasahan kasi nila na ang bagong dating na presidente ng kumpanya ay hindi magiging tulad ng pinaltan nito. Pinalagay nila na matapos ang mahabang panahon, mabibigyan na ng multinational company ng kaukulang pansin at pagkilos ang kanilang mga lehitimong reklamo.

            Kasi naman, milyun-milyong piso bawat distributor ang  nawala sa kanila dahil sa pagmando ng Regional Sales Manager (RSM) ng kumpanya na sila’y magbigay ng sampu hanggang dose porsientong diskwento sa isang wholesaler o tagabenta ng mga produkto sa mga supermarket at mga grocery.

Ang karaniwang patakaran sa mga diskwento ay apat na porsiento lamang para may kikitain rin ang mga distributor. Pumayag silang magbigay ng diskwentong sobra dito dahil sila’y pinangakuan ng RSM, sa pamamagitan na liham sa letterhead ng kumpanya, na  ang multinational ang sasagot sa  anim hanggang walong porsiyento pagkalugi nila.

             Sa dagdag na diskwentong kanyang natanggap, malaki ang  kinita ng pinaborang wholesaler dahil ang mga produktong nakuha niya ay kanyang ibenenta sa napakababang presyo sa Metro Manila. Sa ginawa niyang ito, umangal ang mga Metro Manila distributor dahil hindi nila kayang pantayan ang mababang presyong binigay ng pinaborang wholesaler sa mga supermarket at grocery. Nang sila’y umangal, sagot ng opisyal ng multinational, “Problema niyo na yan.” Tikom-bibig na pilit lumaban sa pagbenta ang mga napagsabihang distributor  pero talagang lugi sila.

            At habang nagulumihan ang mga Metro Manila distributor, nagalboroto naman ang mga taga Central Luzon. Dahil ni anino ng pangakong ibabalik na diskwento ay di nila naaninag! At lalong sumabog ang kanilang butse nang ang mga tsekeng pinambayad sa kanila ng pinaborang wholesaler ay nagsitalbugan! Eto pa … ang mga tseke ay nasa pangalan ng RSM! At nadiskubre nila na ang lalaking may-ari ng pinaborang wholesaler ay asawa pala ng RSM!

       Habang nagtatago ngayon ang RSM, tinatantiang ang  pagkalugi ng mga distributor sa Metro Manila at Central Luzon (dahil sa kanyang ginawang panloloko) ay umaabot sa isang bilyong piso. Nawalan din ng trabaho ang daan-daang kawani ng mga distributor dahil sa kanilang pagkalugi.

         Parang mga Pontio Pilato, todo hugas kamay naman ang mga opisyal ng multinational company dahil wala daw silang kinalaman sa mga kagagawan ng kanilang RSM. Idemanda na lang daw nila ang ngayo’y di na matagpuang babaeng executive.  Kaya lahat ng mga naganap na usapan ng mga distributor sa noo’y presidente ng multinational ay walang pinatunguhan.

             Pasok ngayon sa eksena ang bagong hepe na pumalit sa  dating presidente na nabigyan ng assignment sa ibang bansa. Laking asa ng mga distributor na mas magiging maunawain ang bago nilang kausap.  Maling-mali pala sila, dahil sa halip na umusad ang kaso patungo sa pagkakasundo, ang gusto ng bagong presidente ay bumalik sa simula, o back to zero ang mga usapan!

Hindi pala laging tutoo na pag may bagong hari, bagong ugali. Sa panig ng mga distributor, may bago silang katunggali. Para sa akin, dapat na nilang isumbong ang mutinational sa korte; baka sakali doon sa sala ng hukom ng kapwa-Pinoy ay mayroon silang makikitang katarungan na hindi nila makakamit sa kamay ng mga dayuhan..

 

# # # #

hvp (02.15.10)

 

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*