Deretsahan
ni Horacio Paredes
Hindi pa nagsimula ang kampanya, inihayag na ni Senador Manny Villar ang isang deklarasyong umalingawngaw sa mundo ng pulitika: “Kung ang isang taong naghahangad maging presidente ng Pilipinas ay walang isang bilyong piso, hindi na siya dapat kumandidato.”
Tila hindi ito kakayanin ng ibang tumatakbo ngayon sa pagkapangulo – tulad nina Senador Dick Gordon, Bro. Eddie Villanueva, Nicanor Perlas, John Carlos delos Reyes at Vitaliano Acosta. Alam kong hindi kaya ng limang ito ang halagang binanggit ng standard bearer ng Nacionalista Party.
Masasabing may mga pera din naman ang apat pang kalaban ni Villar na sina dating Presidente Erap Estrada, Senador Noynoy Aquino, Senador Jamby Madrigal at dating Defense Secretary Gibo Teodoro. Ngunit kung aabot sa isang bilyong piso ang kanilang badyet para sa kampanya, ito’y lihim na sila lang ang nakakaalam. Si Erap, halimbawa, ay naghihinagpis na sa bagal daw ng dating ng inaasahan niyang mga kontribusyon.
Sa kabilang dako, tila walang patid ang agos ng kwarta ni Villar. Sa dami na lamang ng inilalabas niyang informercials kuno sa telebisyon, matatantiya mong talagang tinototoo nito ang kanyang deklarasyon ukol sa kanyang election budget. Sangkatutak ang exposure ni Villar sa telebisyon at kahit sa umaga pa lang, makikita mo na ang kanyang karakas at maririnig mo ang kanyang jingle.
Ayon sa mga nakakaalam ng advertising rates, ang bayad daw sa isang 30-second spot ay mula P300,000 hanggang P400,000.
Ang ilan yata dito ay tumatakbo pa ng isang minuto, at natural ay mas mahal ang bayad. Marami ang nagsasabi na ang gastos daw ni Villar sa TV spots lamang ay umaabot na sa isang bilyong piso o mahigit pa, ngayon pa lamang.
Kung ang presyo ng isang kabang bigas ay P1,500, (P30 isang kilo) ang isang bilyong piso ay makakabili ng 666,667 kabang bigas. Ngayon, ipalagay nang ang isang pamilyang may limang miyembro ay kumukunsomo ng humigit-kumulang isang kilo isang araw, ang isang kaban ay aabot sa kanila ng isang buwan at kalahati, o 45 araw.
Samakatuwid, mapapakain na ng isang bilyong piso ang 666,667 pamilya o mahigit tatlong milyon, tatlong daan at talumpu’t tatlong libo katao (3,333,000) sa loob ng isang buwan at kalahati.
Kung ang pera naman ay gagamitin upang magpagawa ng mga classrooms, ang halagang iyan ay magiging katumbas ng 4,000 silid-aralan sakaling ang gastos ay abutin ng P250,000 bawat classroom. Sa dalawang session isang araw at 50 estudyante bawat session, may 400,000 estudyante ang makikinabang dito.
Aywan ko lang kung naiisip ito ng kampo ni Villar – at ng kung sino pa man sa mga kandidato sa pagkapangulo na handang gumastos ng isang bilyon para sa kampanya.
Ang kaibhan ng pulitiko sa pilantropo, na gaya ni Bill Gates ng Microsoft at ng magpartner na sina Brad Pitt at Angelina Jolie ng Hollywood, ay nagbibigay ng milyon-milyong dolyar na donasyon dahil nais lang talaga nilang makatulong sa kapwa. Sa pulitiko naman, ang gamit ng salapi ay upang makakuha ng poder. Maliwanag ito sa pagpintas ni Villar kay Noynoy sa kaniyang pagtanggap ng piso-pisong patulong kahit na sa mga mahihirap!
Ang malungkot talaga sa sitwasyon ng pulitika sa ating bansa, ay tila iyong super-yaman na lamang ang puwedeng tumakbo bilang presidente. Ayon sa Forbes Magazine ng US, $530 milyon dolyar ang yaman ni Villar. Sa kasalukuyang palitan na P46.27, katumbas ito ng P24.52 bilyon.
Napakalaki ang kayamanan ni Vilar at iyan marahil ang dahilan kung bakit ayon kay Villar, wala siyang balak na bawiin ang kanyang magagastos sa eleksyong ito. Pero dapat kaya siyang paniwalaan dito gayong bilang isang negosyante, profit motive ang namamayaning dahilan ng bawat investment na kanyang pasukin? At ang presidential campaign ay isang napakalaking investment.
Aba, daanin na lang kaya natin sa paramihan ng pera ang pagpili ng Pangulo? Di ba ito na rin ang nais ipakahulugan ni Villar sa kanyang sinabi? Makatitipid pa tayo nang malaki sa gastos sa eleksyon at hindi na kinakailangan ang kampaniya at botohan – ang pinakamayamang Pinoy ang Pangulo!
# # # #
hvp (02.17.10)

Post a Comment