Deretsahan
ni Horacio Paredes
Wala naman akong kinakampaniya ngunit di kayang dapat na ring magbigay daan si Congressman Pedro Pancho sa mas nakababatang naghahangad na maglilingkod sa Pangalawang Distrito ng Bulacan. Nakatatlong termino na rin naman siya mula 1995 na kung tutuusin ay napakahaba at sobra sa sapat na panahon na para sana paasensuhin nang husto ang kalagayan ng kanyang distrito. Ngunit, wala naman siyang gaanong naipasa — kahit sana isang batas man lang. Madalas co-author lamang ng resolusyong naglalaan ng pondo sa isang partikular na proyekto.
Mahina na rin ang kanyang katawan ni Kong at may problema pa sa kalusugan. Maaring nasa isip n’yo: ganunpaman, sino ang karapat-dapat hirangin.? Sabi ng mga taga-roon, huwag na si Pancho, iba naman.
Isang pangalang madalas mabanggit ay si Ambrosio “Boy” Cruz na naka-tatlong termino na bilang alkalde ng Guiginto, Bulacan mula 1998 hanggang 2007. Sa kanyang pamamahala, umunlad umano ang kanyang bayan — mula 4th Class ito’y naging 1st Class Municipality. Habang nanunungkulang mayor, hinirang si Boy bilang Most Outstanding Local Executive sa Central Luzon at nagsilbi siya bilang Vice President of the League of Municipalities of the Philippines. Itinaguyod din niya ang Sugod Bulacan Movement na nagnanais paangatin ang mga Bulakenong may likas na galing. At tulad ng mga pinunong alam na ang kinabukasan ay nasa kamay ng mga kabataan, itinatag ni Boy ang Sugod Kabataan, upang arugain ang kanilang likas na talino, at isang Scholarship Program kung saan maraming iskolar ng bayan ang nakinabang.
Alam ninyo, puedeng gawing telenovela ang talambuhay ni Boy. Siya’y dating kargador sa Divisoria sa murang edad na pitong taon! Habang ang ibang bata’y nagsisipaglaro, kumakayod si Boy sa kalsada, pasan ang tiklis-tiklis na prutas at iba pang panindang matatagpuan sa pinakakilalang bagsakan sa Maynila. Sampu silang anak kung kaya’t mga paslit pa lang, tumutulong na sila sa kanilang mga magulang..
Nang paglaki niya, siya’y naging kargador sa umaga at estudyante sa gabi, kumukuha ng accountancy. Nakitira sa kaibigan at pinilit mag-aral sa liwanag ng kandila dahil walang kuryente doon sa gabi. Sa tiyaga, siya’y pumasa ng Board Exams at nagsimula bilang Assistant Chief Accountant noong 1970. Sampung taon lang ang lumipas nang si Boy ay naging District Sales Manager ng Pilipinas Shell Petroleum.
Kasagsagan ng kanyang panunungkulan sa pribadong sektor, nguni’t nagpasiya siyang magsarili at kumuha ng prankisa ng isang gas station. Bumili ng lupa sa Guiginto, Bulacan at di yumaon ay lumawak ito mula lima hanggang tatlumpung ektarya kung saan siya nagtayo ng subdivision at resort. Sa kanyang tagumpay, kasangga ni Boy ang kanyang maybahay at tatlong anak. Di nagtagal, ay nagpasiya siyang maglingkod sa Guiginto.
Sa madali’t-sabi, hindi siya bunga ng karangyaan dahil mistulang kayod kabayo ang kanyang dinanas upang maiangat ang sarili at kanyang pamilya. At di tulad ng ibang nalasing sa tagumpay at nagpasasa, pinasok ni Boy ang serbisyo publiko.
Kaya mabigat ang magiging laban sa pagka-Kongresista sa ikalawang distrito sa darating na halalan. Doon natin makikita kung tumaas na ang antas ng mga botante sa pagpili ng mga nais maglingkod sa kanila, at kung sila’y namulat na sa tinatawag nating political maturity.
Ganoon rin ang ating malalaman sa pagpili nila sa ikalawang Distrito ng Pampanga kung saan ang isang Presidente ay nagpapapili bilang kongresista kalaban ang isa lamang Juan de la Cruz na nag-ngangalang Adonis Simpao.
# # # #
hvp (02.22.10)

Post a Comment