Deretsahan
ni Horacio Paredes
Madaling maintindihan ang kwentong ito. Mayroong mga magsasaka sa Norzagaray, Bulacan na matagal nang nagsasaka sa kanilang lupain. Ang ilan sa kanila’y mga anak ng mga Dumagat na nasa lupaing ito sa simula pa lamang ng bansa. Ilan rin ay nasa lupain mula pa noong panahon ng Commonwealth kung kailan mga Amreikano pa ang nagpapalakad ng Pinas.
Napatitulohan nila ang kanilang lupain noon na lamang Abril 27, 1964. Binigyan sila ng Register of Deeds ng Bulacan na titulo na Original Certificate of Title (OCT) No. P-858/ Free Patent No. 257917.
Marso 7, 1987 nasunog ang opisina ng Register of Deeds ng Bulacan.
Ang mga magsasaka’y humingi ng reconstitution of title sa korte; ngunit, laking gulat nila nang tinutulan ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) dahil ang kanila raw lupain ay sakop ng titulo ng lupang pag-aari ng BSP sa hawak ng BSP na TCT T- 48694 P(M) na 485 ektaryang sakahan.
Papaano nangyari na binigyan sila ng titulo na ang ibig sabihin ay walang ibang nagangkin nito hanggang 1964 kung kailan sila binigyan ng titulo; tapos, nasunog lamang ang opisina ng Register of Deeds at iba na ang may-ari? Paanong napunta ang lupain nila sa BSP?
Ganito ang nangyari. Nagpautang ang BSP sa Capitol Development Bank na pag-aari nina Manuel at Cynthia Villar, ang Speaker of the House at isang congresswoman, malalaking mga tao.
Hindi nakabayad ang bangko nila sa BSP kung kaya niremate ang lupaing kanilang sinanla sa BSP na mayroong anim na sunod-sunod na titulo mula TCT T-38651 P(M) hanggang T-38659 P(M). Galing naman ang anim na ito sa TCT T-1182 P(M). At, ang orihinal naman na titulo ay OCT No. 287 ng Registry of Deeds ng Bulacan na na-petsahan ng 25 July 1944. Ayon sa OCT na ito, ang titulo ay binigay sa ilalim ng kapangyarihan ng Sec.122 of Act 496 ng Land Registration Act ng United States of America.
Baket nabigyan ng OCT ang mga magsasaka noong 1964 kung kailan ay kumpleto pa ang lahat ng titulo sa Register of Deeds ng Bulacan (bago ito nasunog) mula pa noong panahon ng Kastila. Di kaya na ang ibig sabihin noon ay walang nakitang hadlang ang Register of Deeds sa hiling ng mga magsasaka para sa kanilang titulo, E, baket pagkatapos nasunog ang mga titulo ng Register of Deeds ay biglang nagkaroon na ng hadlang ang titulo ng mga magsasaka?
Meron bang mga titulo na ginawa noong panahon ng hapon (1944) na alinsunod sa batas ng United States of America? Maari bang mangyari ang ganito?
Ang sagot naman ng mga Villar sa problema ng mga magsasaka ng Norsagaray ay ganito: Na dismiss na ang parehong kaso na iniharap sa Ombudsman kung kaya hindi na nila sasagutin kung anuman ang problema ng mga magsasaka. Ang masama nito ay kung walang magpapaliwanag, nagmumukhang peke ang titulong pinaremate ni Manny Villar sa BSP. Totoo man o hindi, kapag nanalo siya sa pagka-pangulo, saan pa maaaring tumkabo ang mga magsasaka ng Norzagaray para makamit ang katarungsn? O, wala na ba silang pag-asa?
# # # #
hvp (02,25.10)

Post a Comment