Deretsahan
ni Horacio Paredes
Ngayong Kuwaresma na panahon din ng lalong umiinit na pangagampanya, dapat lang marahil na ating ipaalaala sa mga kandidato ang sinabi ng Panginoong Hesukristo:
“Sinoman sa inyo ang walang kasalanan ay siya ang unang bumato.”
Nabanggit natin ang istoryang ito dahil laganap ang ganitong eksena ngayong eleksyon. Siraan ang laro ng ilang mga kandidato. Diyan natin napupuri ang kandidato sa pagka-bise presidente na si Edu Manzano na ayaw pumukol ng putik sa kahit sinong kandidato dahil tamaan man daw niya o hindi ang kanyang pupukulin, tiyak putikan na ang kanyang mga kamay.
Kaiba naman ang paniniwala ng isang kandidato sa Caloocan. Ang taong ito ay dating artista at kilala bilang “Karate Kid.” Dati na siyang alkalde at ngayon ay tumatakbong Vice Mayor. Ngunit sa halip na ilahad ang kanyang plataporma, wala itong inaatupag kundi ang pag-banat araw-araw sa kanyang palatuntunan sa radyo sa ilang kasalukuyang opisyal ng Caloocan na kanilang kakontra-partido.
Ratsada kung bumirada itong dating Meyor, lalo na sa isyu ng moralidad. Ngunit kung susuriin ang kanyang pagkatao, lilitaw na siya’y walang “K” na magsalita ukol sa maayos na pagpatakbo ng lungsod, lalo na sa punto ng moralidad.
Bukod sa pagiging karatista, lantad sa buong lungsod kung paano niya initsa-puwera ang kanyang dating misis matapos makabingwit ng iba.
Nang matapos nga ang kanyang ikatlong termino bilang alkalde, pinatakbo pa nito bilang kapalit niya sa puwesto ang kaniyang nabingwit ngunit nabigo ang kanilang ambisyon dahil tinalo sila ng kasalukuyang meyor.
Dahil nga sa hilig nitong mamingwit, dumikit na raw sa kanya ang amoy ng isda. Kaya ito nabansagang “Mayor Malansa.”
Ayon naman sa mga residente ng siyudad, wala nang dating ang mga isyung tinatalakay nito sa kanyang radio program, lalo na kung tungkol sa moralidad. Marahil daw, ginagawa niya ito bilang isang diversionary tactic — para ilihis ang atensyon ng mga botante sa umanong kontrobersiya at mga kalokohan niya habang alkalde.
Halimbawa, may lupa ng gobyerno na ibinenta nito sa mga may-ari ng Gotesco sa halangang mas mababa kaysa sa presyong nararapat. Hanggang ngayon daw, di malaman kung saan napunta ang pera at wala umanong record na pumasok ang kwarta sa kaban ng pamahalaang lungsod.
At, di lang iyon, sa loob umano ng ilang taon, ‘ika nila na hindi rin ibinayad sa GSIS ang kinolektang premium contribution ng mga empleyado, kaya hanggang ngayon ay naghahabol pa rin ang GSIS.
At totoo bang umabot din sa P28 milyon ang hindi niya nabayarang konsumo ng koryente sa panahon ng kanyang pagiging alkalde? Ayon pa rin sa mga taga-City Hall, 27 kilometro lang ng kalsada ang naipagawa nito, 32 classrooms, 11 covered courts at nakapagbigay din ng dalawang police car sa loob ng siyam na taon.
Kumpara umano ito sa 197 kilometro ng kalsada, 300 classrooms, 214 covered courts, 42 police cars, 17 police vans at 20 motorsiklo ng pulis ng kasalukuyang administrasyon sa loob lang ng limang taon.
Bahala na ang mga taga-Caloocan kung ipabibingwit pa rin nila ang kanilang mga boto kay Karate Kid.
# # # #
hvp (03.03.10)

Post a Comment