Skip to content

Pinagdududahan na si Villar

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Maganda sana ang kwento ng buhay ni Manny Villar; kaya lamang parang sumobra ang ganda. Namatay nga kaya ang kapatid dahil wala silang pambili ng gamot? Lumangoy nga kaya sila sa dagat ng basura? Hindi nga mayaman ang pamilyang Villar noong bata pa si Manny; empleyadio ng gobiyerno ang ama – sa Bureau of Fisheries, ayon sa isang nakilala ang ama. Meron itong nikeladong jeep at ang asawa’y merong negosyo na nagbebenta ng isda.

Lahat ng siyam na magkakapatid ay hindi dumaan sa public school kundi pumasok lahat sa pribadong eskwelahan, Papaano natin matatanggap na sila’y napakamahihirap?

Ayon rin kay Villar, kung gusto niyang magpayaman, dapat na harapin na lamang niya ang kaniyang mga negosyo. Ngunit, ang nakakaduda sa kaniya ay baka naman ginamit niya ang kaniyang puwesto upang lalong paunlarin ang kaniyang mga negosyo, gaya sa maraming taga-gobiyernong merong sariling negosyo.

Wala namang matinding pruweba na ganito na nga ang nangyari. Ngunit, napakadali sa isang kongresista (at lalo na ang Speaker mismo) o senador na kausapin ang  mga sangay ng gobiyerno na pagbigyan ang kaniyang mga kumpaniya. Dahil sa mga natural na hinalang ganito ng mga Pinoy, mas magaling sana para kay Villar na sinagot niya ang mga bintang sa kaniya tungkol sa C-5. Imbes, hindi siya nagpa-imbestiga at ayaw humarap sa mga katanungan ng mga ibang senador tungkol sa tunay na nangyari.

Sa pananaw ng iba, kung walang pagkakasala, bakit ayaw humarap?

Ano ang pagkakaiba ni Villar at sa mga Arroyo na hindi rin sumasagot sa kahit anong pinupukol sa kanila at pinagbawalan ang mga taga-gabineteng  sumagot sa mga imbestigasyon ng Senado at Kongreso? Ganoon rin kaya ang iuutos ni Villar sa kaniyang gabinete kapag siya na ang Pangulo”

Kaya dapat na sumagot si Villar at hindi nagtatago sa mga katanungan upang maliwanangan tayo sa ating pagpili kung sino ang nararapat nating maging Pangulo.

Hindi dahil yumaman ka sa Pinas ay magaling kang magdala ng negosyo; marami kasing mga negosyante ang ginagamit ang mga nakapuwesto sa gobiyerno upang magpayaman. Lalo na kung ang negosyante mismo ay mataas ang puwesto sa pamahalaan, napakadaling makakuha kahit na anuman ang gusto mula sa anumang sangay ng pamahalaan.

Wala naman akong kinakampihan sa halalang parating, kaya lamang  napapansin kong bumababa ang mga survey ni Villar at ang aking nakikita’y dapat sa Senador ay magpaliwanag sa mga botante. Kung inaakala niyang dapat lang natin siyang panmiwalaan kung anuman ang kaniyang sinasabi, nagkakamali siya. Ang problema ngayon ni Manny Villar ay ang pinagdududahan na ang kaniyang kuwento tungkol sa kung sino siya.  Dapat na magpakilala siyang muli at hindi sa pamamagitan ng mga infomercial niya na pinagdududahan na nang karamihan.

Halimbawa, sino naman ang maniniwala sa pahayag nang aktor na hindi binayaran si Dolphy sa ginawa nitong pag-endorso sa kandidatura ni Villar.

Huwag maniwala sa matandang sinungaling.

# # # #

hvp (03.08.10) 

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*