Skip to content

Ang Inayos sa Hacienda Luisita

Deretsahan

ni Horacio Paredes

 

Hindi ako nagugulat na marami sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita ay papayag na tumanggap ng share of stock imbes na lupa galing sa pamilya Cojuangco. Sa aking pagkaka-alam, kung sila’y pipili na lupa ang kanilang tatanggapin, mawawala ang tulong na sa ngayon ay kusang binibigay sa kanila ng mga may-ari.

Kapag lupa naman ang mapupunta sa kanila, papaano sila mabubuhay? Kung tubo ang kanilang itatanim, baka hindi sila tatagal sapagka’t mamahalin ang binhi, abono, pestisido at iba pang kinakailangan upang magtagumpay sila sa kanilang taniman. Kadalasan na sa ilang mga walang kwarta na merong tubohan ang nangyayari ay ang kanilang lupain ay inuupahan lamang ng kontratista at iba ang nagtatanim at kumikita.  Ang kanilang tinatanggap ay maliit lamang dahil ang tubong nakatanim sa kanilang maliit na lupain ay pag-aari pa rin ng kapitalista.

Kung naghahanap sila ng paraan upang kumita sila sa kanilang maliit na lupain, ang katotohanan ay napakaliit ng matatanggap nila sa ilalim ng Agrarian Reform at wala rin silang maaasahan kahit na anumang suporta galing sa gobiyerno. Ito ang masama sa ating ginawang Agrarian Reform.

Parang ang naging mas mahalaga ay ang magkaroon ang magsasaka ng papel na nagsasabing mayroon siyang lupain. Hindi gaanong binigyan ng importansiya ang agricultural production. Papaano mabubuhay o magtatagumpay ang isang taong binigyan ng lupa kung wala naman siyang sapat na salapi upang bungkalin ang lupa, araruhin ito, magtanin ng binhi, lagyan ng abono, mag-spray ng pestisido at, kapag maaari na, mag-ani ng maaaring maibenta sa palengke o sa sugar mill.

Ayon sa ilang nakakausap ko, ang mga nabigyan na ng lupaing pang sukal ay nakiki-kontrata sa mga kontrartista na suportado ng ilang kapitalista.

Samakatuwid, may lupain nga sila, ngunit parang hindi pa rin sila ang may-ari dahil umaasa lamang sila sa iba na may kayang patamnan. trabahuin at anihin ang tanim ng kanilang lupain.

Kung sila naman ay papasok sa stock option plan, maaari pa rin silang matira sa loob ng hacienda at malamang na maaari rin na sila (o kanilang mga anak) ay makapagtrabaho sa hacienda. Maliwanag na mas maayos ang kanilang pamumuhay kung sila’y papasok sa stock option imbes na magpilit na mabigyan ng sariling lupa.

Sa totoo lang, kung wala ka rin lang kapital na magagamit sa pagtanim at pag-ani ng iyong lupain, mas mabuti pang magtrabaho ka na lamang upang meron kang mapapakain sa iyong pamilya.

Sa katotohanan rin, ang nagpapagulo sa sitwasyon sa Luisita ay mga taong hindi naman taga roon kundi mga taga-labas na nakikialam sa isang usapin na dapat sana’y ang mga may-ari lamang ng lupa at ang mga magsasaka ang kasali. Huwag na sanang sumali pa ang mga hindi naman taga doon at wala namang kaugnayan sa pamumuhay ng mga taga-hacienda – may-ari man o magsasaka o mga bisor.

Bago sila pinasok ng mga taga-labas, nagkakausap-usap sila at wala silang malalaking problema. Sana naman ma-ayos na rin ang ginulo ng mga taga-labas.

# # # #

hvp (08.09.10)

 

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*