Deretsahan
ni Horacio Paredes
Hindi kaya ka-walanghiyaan na ang ginagawa ng Commission on Elections sa mga kandidatong nagprotesta sa bilangan noong nakaraang halalan? Halimbawa, ang hiningi ng Comelec kay Lito Atienza sa kaniyang prinotestang pagkatalo ay P10 milyon. Mas malaki pa itong halaga kesa sa nakasaad sa batas na maaaring gastusin ng isang kandidato sa halalan na P3.00 sa bawat botante. Mas malaki pa ang gastusin sa protesta kesa sa maaaring gastusin sa halalan? ‘Di ba para naman talagang kinakwartahan ng Comelec ang mga nagrereklamo?
Sa Section 3, Rule 15 ng Comelec Rules, ang nakalagay na maaaring singilin sa pumoprotesta ay P1,500 sa bawat “clustered precinct” na umabot ng 1,441 sa buong Maynila; sa sinisingil ng Comelec, ang kanilang binilang ay ang 6,653 na presinto na pinagsama-sama sa 1,441 na “clustered precinct.” Kung ang “clustered precinct” ang pinagbatayan ng singil, nasa P2 milyon lang sana ang nabayaran.
Saan naman mapupunta ang bayad ng nagpoprotesta?
Ang Chairman ng komite na mag-rerebisa ay tatanggap ng P520 bawat presinto ( 6,653) o bale P3,459,560.00; dahil sa sampu ang komite, ang bawat Chairman ay merong P345,956 kada buwan!
Ang tatlong Recorder ay tatanggap ng P240 kada presinto o P159,672.00 kada Recorder kada buwan!
Ang tatlong Ballot Box Custodian (sikyu ng ballot box) ay kapantay ang sahod sa recorder; ganoon rin ang dalawang typist.
Mga matataas na pinuno ng Comelec ang pinipiling umupo bilang mga chairman ng mga komite (Revision Committee) kaya tiba-tiba ang mga mapipiling bumuo ng mga komiteng magrerebvisa ng mga boto ngunit kaawa-awa naman ang nagpoprotestang klandidato!
Hindi kaya dapat naman na medyo napapagbigyan ang mga nagpoprotesta dahil sa kung dinaya na nga sila, baket namang para pa silang pinaparusahan ng Comelec sa kanilang pagprotesta?
* * *
Meron nga bang batayan ang mga nag-poprotesta? Ang Komite ni dating kongresista Teodoro Locsin ay nagsabing hindi na dapat pang ulitin ang pag-gamit ng PCOS dahil sa napakaraming mga maling resulta lalo na sa mga lokal na halalan.
Ayon kay Atienza, sa ginawang Random Manual Audit (RMA) ng Comelec na pinamunuan ng dating Ambassador Henrietta de Villa, marami ang nakitang “large variances for the Manila mayoral race that were allegedly due to voting-machine error” at, ayon sa RMA ay ang Manila mayoral race “showed problems in the counting.”
Hindi lamang iyon, ang RMA validation team rin “could not identify the reason for the large variances, even after the retrieval and opening of the ballot boxes.”
Ang ibig sabihin ng nakita ng mga nasa RMA ay magkaiba ang binilang ng tao kesa sa binilang ng PCOS at hindi nila maintindihan kung bakit magkakaiba ang bilang dahil ang mga hindi binilang ng PCOS na mga boto ay wala namang pagkakaiba sa mga binilang ng PCOS. Kaya, saan man tayo kumakampi, dapat lamang na alamin kung baket nagkaganito ang boto sa Maynila.
# # # #
hvp (08.13.10)
Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com
Post a Comment