Deretsahan
ni Horacio Paredes
Sa mga sumusubaybay sa pamamalakad ng Optical Media Board (OMB) sa pamumuno ni Chairman Ronnie Ricketts, iisa daw ang bumubuga sa kanilang mga bibig — Oh My, Bokya!
Dahilan nila ay mula nang umupo si Ricketts siyam na buwang nakaraan bilang pinuno ng ahensiya, malaking bokya ang kanyang record sa panghuhuli o pagsampa ng kaso sa mga tao o grupong lumalabag sa batas, nagpapalaganap at nagbebenta ng optical media materials. Siyam na buwan? Aba, sapat na panahon na iyan para manganak na ang OMB ng mga accomplishment na maari niyang ipagmalaki sa bagong pamahalaan, lalo na’t nais na nga siyang palitan ni Pangulong Noynoy.
May mga nagtatanong kung totoo ang balita na gumagawa naman ng raid ang pangkat ni Ricketts sa mga lugar na garapalan ang paglalako ng mga pekeng DVD subalit kadalasan daw, konti lang ang mga nasasakote at maliliit na tindero lamang ang napagdidiskitahan ng mga raider. Sa mga ganitong okasyon, basta’t may kasamang taga-media, narioroon daw si Ricketts at astang action star, panay ang pormang nagmamando sa kanyang pangkat. Subalit may mga pagkakataon daw na kapag umalis na ang mga taga- media, nawawala o pinawawalan na rin daw ang mga inaresto.
Huling nangyari daw ang milagrong ito noong nakaraang Mayo nang nagsagawa ng raid ang OMB sa isang warehouse sa Quiapo, Maynila. Doon, nahuli nila ang tatlong intsik sa gitna ng maraming kahon na naglalaman ng halos dalawang daang libong pekeng compact disc na tinatago sa nasabing warehouse. Subalit matapos magsialisan ang mga taga-media, sa hindi maliwanag na dahilan, inutusan daw ni Ricketts ang kanyang mga tao na palayain ang tatlong intsik.
Kung ganito ang kanyang pamamalakad sa ahensiya, hindi nakapagtataka na bokya ang record ni Ricketts sa panghuhuli at pagsampa ng kaso sa mga pirata ng optical media materials.
Subalit sa harap ng ganitong pagpapatakbo ng OMB, tigas-ulo pa rin si Ricketts na manatili sa kanyang posisyon dahil aniya, hindi naman siya midnight appointee ni dating Pangulong Gloria, at ang termino niya ay hanggang tatlong taon. Tiyak, isa pa itong bagay na makakabawas sa buhok ni P-Noy. Pero hindi dapat maging kargante si Ricketts dahil ayon sa mga dalubhasa sa batas na lumikha ng OMB, may probislyon sa Republic Act 9239 kung saan pwedeng alisin o patalsikin ng pangulo ang pinuno ng OMB. Sa madaling salita, ang termino ng tatlong taon ay hindi nakataga sa bato.
Ang payo ko kay Ricketts, sa halip na siya’y magkapit-tuko sa kanyang puwesto, magpakitang gilas na lang siya at baka matuwa pa sa kanya si P-Noy kapag napatunayan niyang siya’y “O, May ‘Bubuga” pala.
# # # #
hvp (08.18.10)

Post a Comment