Skip to content

Ang Pangako ni P’Noy

Deretsahan

ni Horacio Paredes

Sumulat si Flor Manabat: “Nakakalungkot, pero unti-unti nang nagkakatotoo ang espekulasyon ng ilan na bahagi lamang ng kampanya ang ilan sa ipinangako ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III partikular ang usapin sa buwis.

“Kung matatandaan, marami ang humanga kay Aquino at posibleng naging dahilan kaya’t nakahamig ito ng maraming boto nang ipangako niya sa kasagsagan ng kampanya na kapag siya ang naluklok na Pangulo ay walang karagdagang buwis na ipatutupad dahil nauunawaan nito ang paghihirap ng sambayanang Filipino.

“Pero bakit wala pang isandaang araw sa kapangya rihan ay ang pagpapataw na ng karagdagang buwis ang isa sa pangunahing target ng kanyang administrasyon?

“Hindi ba naalala ni Pangulong Aquino na bago mawala sa kapangyarihan si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay makailang beses na tinangkang ilusot ang Expanded Value Added Tax (EVAT) sa toll fee, pero hindi nagtagumpay.

“Sa ilalim ng bagong administrasyon ay tinarget unahin ang EVAT sa toll fee, minalas nga lamang dahil hinarang ito ng Korte Suprema kaya’t isinantabi ang dapat ay pango ngolekta ng buwis sa toll fee sa halip ay karagdagang singil na katumbas ng 250% sa kasalukuyang singilin ang ipinatupad.

“Pagkatapos ng pagharang na ito ng SC, sana ay maging mabusisi na ang Palasyo sa bawat kautusang ipalalabas dahil hindi magandang imahe ang hatid nito sa publiko na posibleng maging daan para unti-unting mabawasan ang pagtitiwala sa kasalukuyang gobyerno na inaasahan nating lahat na magiging daan sa inaasam nating pagbabago.”

* * *

Ang nakalulungkot ay marami sa mga inilagay ni P’Noy sa pwesto ay hindi naman talaga pareho ang pag-iisip sa ating inihalal na Pangulo. Kung sila’y naniniwala kay Noynoy, papaano nila hindi nalalalamn na nangako si P’Noy ng “No New Taxes”?

Ang dapat nating alamin ay kung nadinig ba nila ang isa pang pangako ng ating Presidente: “Walang mahirap kung walang kurakot.” Palagay ko’y hindi nila dinidinig si P’Noy dahil na rin sa hindi sila naniniwala sa kaniya at hindi nila nirerespeto ang pagkapanalo ni Noynoy. Gusto lamang nilang makapuwesto sa pamahalaan upang magawa nila para sa kanilang mga tunay na amo ang kagustohan ng mga ito.

Ang isa pa ngang lumilitaw ay ang pahayag ng ilan sa mga ito na handa raw ang Pangulo na mawala ang kaniyang popularidad o ang suporta natin, maitupad lamang ang kagustohan ng mga taong nakapaligid sa kaniya. E, ano pala si P’Noy, tau-tauhan?

Ingat po kayo, Mr. President!

* * *

“Gusto ko lang sana ipaalam ang kapabayaan ng Hagonoy Fire Brigade sa naganap na sunog kahapon ng gabi sa Hagonoy Market sa bayan mismo ng Hagonoy. Ang nasabing sunog ay tumagal ng 2 1/2 hours. Kung iyong iisipin bakit tumagal ng halos ganong oras samantalang napakalapit lang mismo nito sa Hagonoy Fire Station na mismong nasa bayan din at katabi ng munisipyo ng Hagonoy na halos 100 meter lang ang layo sa nasunog na wet market.

“Ang siste kasi ay wala daw battery ang kanilang truck at nakakapagtaka lang diba at ito pa walang kargang tubig din. Bakit ganon? Anong silbi nila kapag ka ganoon lang lagi. Hindi na ito bago sa Hagonoy dati din ay nagkaroon ng sunog sa likod lang ng nasabing fire station at halos ganon din ang nangyari kaya may nagbuwis pa ng isang buhay sa naganap na sunog dati.

“Kaya ang ginawa ng mga taong bayan ay itinulak na lang ang fire truck at kumuha nalang ng tubig sa water district na halos ilang metro lang din ang layo sa nasabing sunog. Kung laging ganyan ang sistema ng fire station ng Hagonoy ay tiyak tupok na ang lahat bago sila makadating at lagi silang mauunahan ng mga galling pa sa napakalayong lugar na siyang nauuna pang dumating.”

* * *

Sana’y mabasa ito ni Jesse Robredo ang namamahala sa DILG, pulis at bombero. Baket po ganito tayo, sir!

# # # #

hvp (08.20.10)

 

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

Your email is never published nor shared. Required fields are marked *
*
*