Deretsahan
ni Horacio Paredes
Baket ba parang hindi marunong makiramdam si House lead prosecutor at Iloilo Rep. Neil Tupas na pinagbibigyan na nga sila ng presiding officer, dakdak pa rin siya nang dakdak.
Nagpaliwanag siya; tinanggap ng Senado. Dapat sana tumigil na siya. Merong hiningi ang Korte; hindi nila natupad habang ang katunggali ay kumpleto ang sinumite.
Imbes na humingi ng paumanhin, kung anu-ano pa ang sinasabi ng batang kongresista na abugado naman ngunit parang hindi pa nakakatungtong sa hukoman dahil parang wala siyang naiintindihan hindi lamang sa court procedure kundi pati na rin sa pakikipag-ugnayan sa kapwa, lalo na sa mga taong malawak na ang karanasan sa pagiging abugado.
Ang Senate Presdient ay batikang abugado sa ating bansa. Kung gagawa ka ng listahan ng mga pinakamagagaling na abugado, tiyak na si Juan Ponce Enrile ay nasa unang sampu. Ganoon rin ang katunggali ni Tupas na si dating Justice Serafin Cuevas!
Bakit nga ba walang nahanap ang mga nasa mababang kapulongan na sikat na abugadong maaaring humarap sa mga batikang atorni ng katapat?
Nagpaliwanag si Senadora Miriam Santiago na nag-iingat silang mga senador dahil na rin sa nangayari sa impeachment ni Pangulong Joseph Estrada noong 2001 kung saan dahil sa tama naman na ginawa ng mga Senador na hindi sila pumayag na buksan ang isang sobre ay linayasan sila ng mga kongresista. Sunod nito’y minalas tayong lahat na. dahil sa EDSA Dos, ang bise presidenteng pandak ang tinalaga ng Korte Suprema sa Malakanyang.
Napag-usapan na nga at pumayag na ang Senate President na pagbigyan (na naman) ang depensa, ngunit imbes na sana’y nagpaslamat na lang siya, kung anu-ano pang walang kabulohan ang sinasabi ng parang walang alam na kongresista. Kinaylangan pang tabunan na lang siya ni Enrile ng paglalabas ng kanyang sama ng loob sa mga prosecutor na pinaharap ng Kongreso sa Impeachment Court na parang walang malay kung nasaan sila at kung ano ang dapat nlang ginawagawa!
Nakahalata na rin ang bata nang napansin niya na ginalit na pala niya ang Senate President.
Pumayag naman si Enrile na maging liberal sa pamamalakad ng korte, pero hinamon niya si Tupas kung ano ang irerekomenda nitong rule dahil ang sinusunod niya ay ang matagal na at subok na Rules of Evidence na ginagamit sa mga korte sa buong mundo.
May hamon rin ang Senate President sa mga kapwa niya senador:
“Bilang presiding officer po ninyo, gusto kong sabihin sa inyo ngayong hapon na ito na ako po ay walang kinikilala, kinikilingan dito sa kasong ito. Wala akong kinikilala na amo at pagsilbihin kundi ang taumbayan at ang ating bansa at hindi po ako magiging kasangkapan ng maski sinuman at ako po ay hindi gagawa ng pasya na hindi makatarungan. Hindi po ako papayag na gamitin itong hukuman na ito kung ako ang nagpe-preside na magkakaroon tayo ng hindi makatarungan, makatuwiran na sistema at tutol o paghuhusga dito sa kaso na ito.
“Kung saka-sakali na hindi ninyo matanggap itong pamamalakad sa ating paglilitis nitong kasong ito, ako po ay open ako na ako at ibibigay ko itong aking upuan sa sinuman na gustong pumalit sa akin.”
Tama si Sen. Manny Villar, pangulo ng Nacionalista Party (NP) bloc sa Senado, na suportado at kuntento siya sa pamamalakad ni Enrile.
Lahat naman tayo ay kuntento at mas marami ang humahanga pa nga kay Enrile at, sa totoo lamang, marami ang nabwibwisit na sa mga parang walang kamuwang-muwang na mga Congressmen-Prosecutors.
Baka sa panig ng mga prosecutor at hindi sa Senado ang dapat na magkaroon ng pagbabago ng liderato.
# # # #
hvp (01.25.12)

Post a Comment