Deretsahan
ni Horacio Paredes
Parang isip-bata si Renato Corona noong hinamon niya ang Pangulong Aquino na ipakita rin ang kanyang SALN, bank records at pati na raw ang psychological report noong ito’y nag-aaral pa. Parang sa pag-iisip ni Corona. pare-pareho silang lahat sa gobiyerno na mga magnanakaw at wari’y tinitiyak niya na kung buksan ng Pangulo ang kaniyang SALN, meron ring makikitang kamalian.
Kamakailan ay sinumite ni PNoy ang kaniyang SALN sa Ombudsman, kahit maaari naman siyang maghintay hanggang Abril bago kinakailanganng mag-sumite. Ang pagkakaiba ng Pangulo, Bise Presidente, Senador, Congressman at mga miyembro ng gabinete ay sila lahat ay nagpapkita ng kanilang mga SALN sa mamamayan. Ang hindi lang naman nagpapakita nito sa madla ay ang mga justices at mga hukom dahil na rin sa resolusyong ginawa ng Korte Suprema.
Ang hindi nila naisip ay kung nalalaman ng mga hukom na walang makakakita ng kanilang mga SALN, matutukso ang mga ito na kung anu-ano na lamang ang ilalagay sa dokumento. Halimbawa noong tinanaong sa SALN niya kung meron ba siyang kanag-anak na nagtatrabaho rin sa gobiyerno, ang sinagot ni Renato ay “N/A.” Ano? Wala siyang kamag-anak sa pamahalaan? Sino pala iyong Cristina Corona na Chairman, President CEO, at COO ng Camp john Hay Management Corporation?
Sa sinumite ni PNoy, nakitang nag-iisa lamang ang kaniyang bahay. Ito ay iyong bahay ni Ninoy at ni Cory sa Times St. sa QC na kanilang ginawa (o binili) sa halagang P14.4 milyon. Ang assessed value naman ay P472,460 at kung ibebenta ngayon (current fair market value) ay P2.4 milyon. Meron rin siyang lote sa Tarlac na kanyang binili noong 1997 na ngayo’y nagkakahalaga ng P718,360. Meron ring lupaing sakahan na nasa P113,750.
Meron pa ring P7-million na commerical lot sa San Juan at agricultural land sa Capas, Tarlac na namana niya noong 1979 at 2010.
Sama-sama, ang kaniyang mga real properties ay nagkakahalagang P22.6 milyon at lahat ng kanyang kayamanan kasali na ang mga kotse at kwarta sa bangko (total net worth) ay P54.8 milyon.
Ikaw naman, Renato, kelan natin malalaman kung gaano ka nga ba kayaman at saan kaya naman nanggaling ang iyong kayamanan?
* * *
“Meron tayong sulat galing sa isang OFW: ” Ang hirap ang makipagsapalaran sa ibang bayan na gaya naming mga OFW,na ang aming layunin ay upang maiahon lamang sa kahirapan ang pamilya.
“Pero…..Lalo pang nakakapagpahirap sa amin ang mga nagpapahirap na gaya ni Corona!
“Bakit? Dahil hindi kami mga manhid at bulag na para lalo pa ninyong pahirapan dito!
“Na isang iglap ay magpapayaman kayong mga korap, na kukunin sa kaban ng bayan? Na dapat ay pwedeng ilaan na lamang sa mga dapat makinabang nito?
“Lumaban naman kayo ng parehas!” — Rey Mendoza
* * *
Isa Pa: “Sa pagkahayag mo ng kasaysayan ng BGEI ay malinaw na nakita ng mga mamamayan kung paano gamitin ang kapangyarihan sa sariling kapakanan. May kasabihan, ‘what goes around comes around’, ‘karma’, at ‘retribution’. Marahil ang katarungan ay sadyang dumarating sa tamang panahon at ang lahat ng bagay na masama ay may kaukulang pagbabayaran sa takdang panahon na kailanman ay hindi mai-iiwasan.” — Tony Barrientos
# # # #
hvp (02.22.12)

Post a Comment