Deretsahan
ni Horacio Paredes
Merong sumulat sa atin (Ingles nga lamang) na parang nang-iinis o nagpapatawa. Ayon sa sumulat na ayaw namang ipagamit ang pangalan, si Manny Pacquiao raw ay maswerte sa maraming bagay ngunit malas siya sa pag-sanib sa partido pulitikal.
Una raw ay sumama siya sa Partido Liberal ni Lito Atienze dahil na rin sa marami ring naitulong ang dating Alkalde ng Maynila kay Pacquiao noong nagsisimula pa lamang sa larong boxing ang ating kasalukuyang best pound-for-pound boxer sa mundo. Ano nga naman ng nangyari kay Lito, kundi natalo, di ba?
Sunod, sumama naman si Manny sa Nacionalista party ni Manny Villar sa pagtakbo nito sa pagka-Pangulo ng Pinas. Ano ang naging kapalaran ni Villar? Di ba natalo rin; ikatlo lamang siya kina Noynoy Aquino at Joseph Estrada.
Si Gloria rin na matagal na bale Ninang ni Manny ay naging ka-awa-awa nang wala na sa Malakanyang.
Ano ang punto ng ayaw magpalilalang Inglisero?
Ang kanyang tanong: Ngayong si Manny Pacquiao naman ay nanumpa na bilang miembro ng PDP-Laban, ano kaya ang mangyayari sa partido? Ano kaya ang mangyayari kay Koko Pimentel na nangimbita sa kanyang sumali sa PDP-Laban? Ano kaya ang mangyayari kay Jojo Binay sa 2016?
Hintayin na lamang natin na mangyari ang mangyayari. Mahirap kasing unahan ang kinabukasan dahil sa totoo ay wala namang makakapgsabi nang sigurado kung ano nga ang darating sa kinabukasan. di ba?
At .ang sumulat naman sa atin, ano ang kanyang nakikita? Ayon sa ayaw magpakilala, “What if Pacquiao is really malas in politics? What if his luck is really good in boxing but very poor in politics?”
* * *
Hindi naman ako naniniwala sa malas at swerte sa buhay o sa pulitika; ngunit, sa aking nakikita sa matagal na ring pagsubaybay sa pulitika sa ating bansa, ang nalalaman ko’y matagal pa ang 2016. Apat na taon pa yan.
Apat na taon bago nagka “People Power,” meron na kayang kahit sinong nag-aakalang ang biyuda ni Ninoy ang magwawagi sa 1986?
Apat na taon, bago maghalalan noong 1992, meron bang nakapagsasabi noon na si Ramos ang mahahal bilang Pangulo? Di ba’t ang llamado noon ay si Mitra?
Noong 1994, sino ang maaaring manghula na ang susunod na Pangulo ay isang artista at hindi pa tapos ang termino’y papalitan na naman ng isang babae?
Noon bang 2006, meron kayang naka-isip na si Noynoy Aquino ang magwawagi sa 2010?
Walang tapos sa pulitika hanggat hindi pa tapos ang halalan. Malayo pa ang 2016 at kahit na parang merong wala nang tatalo sa kung sino man ang nangunguna sa ngayon, ang mas malamang ay ang magpapalit-palit pa rin ang pag-iisip ng mga botante.
Kaya, para sa akin, huwag na ninyo akong akiting makipaghulaan kung sino ang susunod nating Pangulo. Aasahan ko na lamang na sana’y kung sino man siya’y maging kasing linis ng ating kasalukuyng Pangulo. Dumaan na tayo sa ilang corrupt; huwag na sana pang maulit na naman na balikan natin ang mga malulungkot na bahagi sa mga naging karanasan ng ating bansa.
# # # #
hvp (04.25.12)

One Comment
Dati na rin akong umaaasa na sana’y kung sino man ang papalit ay maging kasinlinis ng ating kasalukuyang Pangulo.
Katulad niyo, ang pagiging malinis ng presidente mula sa korapsyon ang pinanghahawakan kong pananaw patungo sa pag asenso ng ating bansa. Isa po akong mapalad na OFW na may masasabing nakaranas ng biyaya. Kaya kahit paano ay nakakapaglagak ng konting puhunan sa ating bansa. Dahil kung marumi ang pamunuan ay hinding-hindi ako magpapadala ng puhunan dahil siguradong babagsak ang karamihang negosyo at kabuhayan sa Pilipinas kung mapipigil o mananakaw ang pondo na para talaga sa mga tao at maapektuhan ang tamang distribusyon ng yaman ng bansa.
Kung tinatanong ng media ang isang Pilipino sa kalye, kung paano uunlad ang buhay sa Pilipinas?, itaas daw ang sahod! Mas malalim at epektibo siguro kung ang sagot ay, ‘tanggalin at parusahan ang corrupt’. Dahil asahan natin na kapag malinis ang nakaupo, malinis ang daloy ng distribusiyon ng pondo patungo sa tamang paroroonan. Sa ngayon pinipigil daw ng pamahalaan ang paglabas pondo? Oo may epekto yan, pero kahit paano inilalabas pa rin sa takdang panahon. Mas malaki ang sira sa ekonomiya kung nanakawin lang dahil wala nang ilalabas na pondo kapag nanakaw na.
Post a Comment