Deretsahan
ni Horacio Paredes
Sa totoo lamang, wala akong makitang dapat na pintasan sa naging talumpati ni Pangulo sa kanyang SONA kahapon. Marami ang mga hindi natuwa. Ngunit, para naman kasing kahit ano pa ang mangyari sa pamamahala ng Pangulo, ang mga ito’y hindi pa rin kayang patuwain. Halimbawa, ang mga Komunista’y pinipintasan na hanggang ngayon ay umaasa ang ating bansa sa puwersa ng ating mga ka-alyadong mga bansang demokratiko lalo na ang United States of America (USA), Ngunit, para namang halatang-halata na para sa mga itong maka-kaliwa ay mas mabuti pa na sakupin ang bansa natin ng Tsina dahil kapag nangyari iyon ay marahil na sila ang aasahan ng mga Intsik na mamuno sa ating bansa!
Kaya nga kahit napakatagal nang binitiwan tayo ng Amerika at umalis na ang kanilang base militar sa Pinas, para sa kaliwa kapag magpakita tayo nang pagkampi sa Amerika na ka-alyado naman natin o kaya’y kumakampi sila sa atin, napakalakas ng kundenasyon. Papaano naman ngayon na inaapi tayo ng Tsina at mukhang gustong kunin sa atin ay hindi lamang ang mga lupain kundi pati na rin ang karagatan ng Pinas? Anong sey ng mga kaliwete? Mabuhay ang kumakalaban sa Pinas ?
Taon-taon na gumagawa ang ating Pangulo ng kaniyang State of the Nation Address (SONA). Parang sayang lamang ang kung anuman ang binibigkas ng pangulo dahil parang wala namang nakikinig. Bago pa siya nagsalita kahapon napakarami na ang mga nagpahayag na mali ang kaniyang sasabihin. Napakarami ang mga nag-rally sa daan patungong Kongreso.
Ayon sa mga bumabatikos sa pamahalaan, hindi totoo na dumami ang trabaho; nabawasan pa nga. Bagsak ang ating ekonomiya at lalo tayong naiiwanan ng ibang bansa sa Asya.
Patawarin ako ng mga nagmagagaling, ngunit, mas pinaniniwalaan ko si Noynoy sa kaniyang SONA kung saan pinakita niya na mas maganda ang ekonomiya natin ngayon kesa sa huling nakaraan ilang dekada. Papaano namang hindi ito mangyayari na, ngayon, ang reporma sa pamamalakad ay nagsimula sa Pangulo mismo. Mula sa namumuno, nakikita natin na walang interes kundi lamang ang kabutihan ng bansa. Oo nga’t hindi lahat ng problema’y mareresolba kapag nabawasan ang korapsyon, Sa totoo, hindi naman maaaring maresolba ang lahat na problema, lalo na’t sa bansang gaya ng Pinas na mula mas marami ang nakikialam kesa sa mga tumutulong sa paghanap ng solusyon.
Ang isa nga yatang malaki nating problema ay ang mas marami ay naghahnap ng mapipintasan kesa naghahanap kung papaano sila makakatulong sa pamahalaan.
May kasabihan nga sa Ingles na ganito: “Ask not what your country can do for you, ask what you can do for your country.”
Baka kung mas matuto tayong mas mahalin ang Pinas mas gaganda ang ating kaisa-isang bansa at mas matutuwa tayo na ang Pinas ang ating bansa, Baka mabawasan ang ating mga problema. Baka nga na ang solusyon ay nasa atin rin palang mga kamay.
# # # #
hvp (07.23.12)

Post a Comment