Skip to content

Tanggapin ang Hatol ng Hukom

Deretsahan

 

ni Horacio Paredes

Hindi ako nagagandahan sa naging reaksyon ng Pangulo sa naging pahintulot ng hukom na pabayaang maka-pagpiyansa si Gloria Arroyo. Para kasing kung pinakikialaman pa niya ang mga detalyeng ganito ay parang nang-aapi na siya ng kapwa. Ang nararapat sa isang Pangulo ay ang tinatanggap niya ang kapangyarihan ng mga hukom gaya rin ng pagtanggap sa kaniyang kapangyarihan ng mga hukuman.

Tungkulin at karapatan ng hukom na magpasya kapag merong hinarap sa kaniya na kaso. Noong inilapit ang hiling na makapag-piyansa ang dating Pangulo, nakita ng Hukom, Judge Jesus Mupas, na dadalawa ang mga saksi na iniharap ng gobiyerno laban kay Gloria. Tinignan niya rin ang ebidensiya at kanyang nakita na merong kahinaan ito at baka pa nga kulang pa upang mapatunayan ang mga akusasyon laban kina Gloria at Benjamin Abaos.

Kung ito ang hatol ng hukom, baket merong magrereklamo at — lalo — anong maaaring rason ng isang Pangulo na pansinin ang pangyayari. Hindi ba’t dapat na hindi nakikialam ang Malakanyang sa kung anuman ang mga nangyayari sa isang kapantay na sangay ng gobiyerno?

Ang tatlong sangay — ehekutibo, lehislatura at hudikatura — ay maliwanag na merong kaniya-kaniyang tungkulin. Hindi dapat na nagpapakialamanan ang mga ito.

Ayon sa ating saligang batas (Art. VIII, Seksyon 1), “Dapat masalalay ang kapangyarihang panghukuman sa isang Kataastaasang Hukuman at sa mga nakakababang hukuman na maaaring itatag ng batas.

“Saklaw ng kapangyarihang panghukuman ang tungkulin ng mga hukuman ng katarungan na ayusin ang nangyayaring mga sigalot na kinakasangkutan ng mga karapatang nararapat hingin at ipatupad nang naaayon sa batas at pasyang kung mayroon o walang naganap na lubhang pagsasamantala sa direksyon na humantong sa kawalan o kalabisan sa hurisdiksyon  sa panig ng alin mang sangay o instrumentalidad ng pamahalaan.”

Hindi kaya magigIng mas maayos ang ating kalagayan kung ang bawat sangay ay pababayaan na gawain ng ibang sangay ang kanilang tungkulin na hindi ito pinakikialaman ng mga ibang sangay ng pamahalaan?

Sumasang-ayon ako sa ating Pangulo na hindi naman maaari ang sinasabi ng iba na dapat raw, tungkol kay Gloria, na ang maging pasya ay “forgive and forget” na lang. Tama ang Pangulo na maaari tayong mag-forgive ngunit hindi natin dapat na kalimutan ang mga kawalangahiyaang ginawa sa atin, sa mamamayan at bansa ng mga nagkasala sa ating mga batas, lalo na’t maliwanag na ang ginawa ay sinadya at merong halong pansarileng pampayaman.

            Ngunit, hindi pa rin maganda na parang nang-aapi tayo ng kapwa. Sa aking paanaw, mas magaling na ganito ang maging pasiya ng Malakanyang sa mga ganitong bagay: Kung iyon ang hatol ng korte, tanggapin.

            Sa totoo lamang, kung makalusot ang mga  masasamang tao sa isang kaso, malamang naman na marami pa ring kaso ang maaaring ipaharap pa sa kanila. Hindi lamang iyon, dahil sa marami naman ang hindi natutuwa sa nagiging hatol ng mga hukuman, gaya nitong pagbigay laya ni Judge Mupas sa pamamagitan ng piyansa kay Gloria, hayaan na lamang sana na iba ang magsalita gaya ng Ombudsman na isa rin sa mga hukom ng hudikatura ay mas may dating na magsalita tungkol sa mga bagay na sakop ng hudikatura.

# # # #

hvp (07.26.12)

 

Readers who missed a column can access www.duckyparedes.com/blogs. This is updated daily. Your reactions are welcome at duckyparedes@yahoo.com

Post a Comment

You must be logged in to post a comment.