Deretsahan
ni Horacio Paredes
Baket pa ba tayo nag-aaksya ng panahon at kwarta sa pagpapadala ng mga atleta sa Olympics? Dapat sana na ang mga pinadadala natin ay meron man lamang pag-asang makapasok sa sampung pinakamagagandang resulta. Kapag, halimbawa ang ating weightlifter ay sa kauna-unahang pagsubok na 118 kilos lamang ay hindi na kinaya at ang kanyang mga kalaban ay nakakaya ang mas mabigat, baket pa natin pinadala upang matalo lang. Ayon sa atleta nakaya raw niya ang 118 sa kanyang training. Para namang hindi totoo. Hindi naman yata na bago siya umalis ng bansa ay nabubuhat niya ang mas mabigat pa ngunit pagdating sa London ay biglang nanghina dahil sa lamig. Kung ganoon rin, baket hindi nagsanay sa malamig na klima?
Sa aking nakita. wala namang pagkakaiba ang ating mga atleta sa mga nananalo pwera lamang na mas ensayado ang mga nanalo at sapat ang suporta sa kanila. Ang problema sa ating sports program sa Pinas ay ang nakikinabang sa sports ay hindi ang mga atleta kundi ang mga opisyal. Sa maraming bansa, hindi ang gobiyerno ang namamahala sa mga Olympic Sports kundi mga pribadong kumpaniya na sinusuportahan ang kanilang pribado ring Olympic Committee. Dito mga pulitiko ang nagpapatakbo ng ating Philippine Olympic Committee (POC) kung kaya walang nangyayari sa atin.
Ang mga walang palyang nakakapunta sa bawat Olympics at Asian Games ay ang mga opisyal. Sila at ang kanilang mga pamilya ang nakikinabang sa mga ganitong pasyalan. Ngunit, ang ating mga atleta, kapag nakakasama man ay madalas na wala namang napapakitang magandang resulta.
Kung hindi rin naman tayo mananalo (at lalo kung kahit sa training ay hindi naabot ang naakakaya ng iba atleta sa ibang bansa), baket pa sila pinadadala lalo’t tiyak naman na hindi makukuha ang magandang resulta.
Sa atin ring pagpili ng mga sport, dapat na sa mga sport na wala tayong pag-asa’y huwag na nating gaanong nilalaro. Halimbawa, magkakaroon kaya ng panahon na makakabuo tayo ng isang basketball team na walang mas mababa ang height sa 6′ 7″? Kung hindi rin nating makakaya, huwag na lamang tayong maglaro ng basketball dahil wala naman tayong pag-asang gumaling sa isang sport na malaki ang lamang nga mga matatangkad.
Ganoon rin sa ibang mga sport. Halimbawa ang isang swimmer na 5′7″ay tiyak na matatalo sa swimmer na 6′7″. Sa pagsimula pa lamang malaki na ang agwat. Sa bawat stroke, lalong lumalamang ang mas matangakad.
Ngunit, ang pinakamahalaga ay ang dapat na namumuno sa ating sports program ay hindi mga pulitiko kundi ang mga handang mag-sakripisyo para sa kaunlaran ng ating mga manlalaro, hindi iyong mga pinakikinabangan pa ang kanilang pagiging opisyal ng ating sports program. Ang dapat na nakikinabang sa ating sports program ay ang mga atleta, hindi ang mga namamahala sa programa.
# # # #
hvp (08.01.12)

Post a Comment