Deretsahan
ni Horacio Paredes
Sobra na sa limang taon nang ibinigay sa Manila Water at Maynilad ang negosyo sa tubig ng Metro Manila na dati ay hawak ng MWSS. Ang lahat ng mga pag-aari ng MWSS ay binigay sa dalawang water conccessionaire at tumaas pa nga ang ating binabayaram sa tubig na dumadaan pa rin sa mismong mga tubo na matagal nang nilatag ng MWSS.
Kamakailan lamang ay sinumbong ng ilang consumer group ang dalawang kumpaniya dahil sa naniningil sila ng gagastusin (kuno) sa pag-papa-ayos ng Laiban Dam (P45.3-bilyon) at Angat Dam Irrigation Replacement Project (P5.4-bilyon) dahil nadiskubre nila na hindi na pala itutuloy ang mga proyektong ito ngunit naniningil pa rin ang Manila Water at Maynilad para sa di na itutuloy na proyekto!
Naniningil rin sila para sa sewerage kahit na sa mga lugar na wala naman silang inilalagay ng mga imburnal!
Di kaya dapat lang na isauli nila sa atin ang mga kwartang kanilang nasingil na para sa mga proyektong kinansela na ng gobiyerno at hindi na matutuloy. Hindi lamang iyon. Baket naman na wala pa nga silang ginagawa ay sinisingil na tayo. Ang mas tamang paraan ay gatusan muna nila at kapag nakainstala na ang mga pina-ayos ay doon lamang tayo dapat na sinisingil.
Ngayon naman ang balita ay ang pinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang dalawang water concessionaire ng multang aabot sa P236 milyon dahil sa patuloy na paglabag umano ng mga ito sa Clean Water Act.
Umaabot umano sa P247 milyon ang multang ipinataw sa Maynilad at Manila Water, ang dalawang concessionaire ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Base umano sa kasunduan noong ibinigay sa kanila ang M WSS, sa loob ng limang taon nang makuha ng dalawang kumpanya ang concession sa water system, kailangang magkaroon na ang mga ito ng water treatment facilities at dahil hindi ito natupad kung kaya sila pinagmumulta.
Tiyak naman na pagka-bayad nila ng multa, sisingilin rin nila ito sa ating lahat, Ngunit mas okey naman yata na bayaran muna nila ang multa at hindi naman kagaya ng ipapaayos raw ng mga dam ay singil sila ng singil kahit na wala naman palang plano ang gobiyerno na ituloy pa ang dalawang proyektong ito.
Totoo naman na marami na ring inayos at pinagandang mga linya ng tubig ang dalawang dambuhalang kumpaniyang ito; ngunit, hindi ba’t parang maliit lamang ang kanilang inayos kahit na hindi lamang dumoble ang ating binabayaran sa ating tubig? Mas malaki pa angnadagdag sa ting binabayaran buwan-buwan. Kung minsan parang mas mabuti pa yata kung tinuloy na lamang ng MWSS ang negosyo sa tubig at hindi na lamang binigay sa pribadong kumpaniya.
Gumanda nga ang serbisyo ng bahagya, sumobra namang lumaki ang singil sa ating mga water consumer.
# # # #
hvp (08.13.12)

Post a Comment